Tingnan: Mga estudyante ng MSEUF, ligtas na matapos ang insidente ng food poisoning
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-25 00:09:33
BAYBAY CITY, LEYTE — Nasa maayos na kalagayan na ang mga estudyante at guro ng Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) matapos silang maospital dahil sa hinihinalang foodborne illness noong Oktubre 22, 2025.
Batay sa opisyal na pahayag ng Unibersidad, ang mga apektadong estudyante ay pawang nasa ikalawang taon ng Tourism at Hospitality Management program. Dinala sila sa Immaculate Conception Hospital matapos makaranas ng mga sintomas ng pagkalason sa pagkain kasunod ng kanilang educational tour sa Kalanggaman Island.
Agad na kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Baybay, sa pangunguna ng Pangalawang Alkalde, City Administrator, at Tourism Officer, upang magbigay ng tulong medikal at logistikal sa mga estudyante. Pinapurihan naman ng MSEUF ang mga lokal na opisyal, hospital staff, at iba pang ahensiya sa kanilang maagap na pagtugon at malasakit.
Ayon sa MSEUF, karamihan sa mga estudyante ay ganap nang gumaling, habang ang ilan ay naghihintay na lamang ng clearance mula sa mga doktor bago makabalik sa kanilang klase. Nagpahayag din ng pasasalamat ang Unibersidad sa Lucena City DRRMO at City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa kahandaang magbigay ng suporta kung kinakailangan.
Tiniyak ng pamunuan ng MSEUF na patuloy nitong bibigyang prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng estudyante, guro, at kawani ng institusyon. (Larawan: Manuel S. Enverga University Foundation / Facebook)
