Tingnan: PBBM, dumalo sa Ika-124 anibersaryo ng Philippine Coast Guard
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-25 00:26:49
MANILA — Dumalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdiriwang ng ika-124 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Coast Guard (PCG) na ginanap sa National Headquarters, Port Area, Maynila, ngayong Oktubre 23, 2025.
May temang “PCG@124: Committed to Service, Relentless in Purpose”, binigyang-diin ng Pangulo ang matatag na papel ng PCG sa pangangalaga ng karagatan at kaligtasan ng bansa.
“The PCG works quietly and effectively, and at this time when our seas face greater challenges, you remain steadfast—proving that courage knows no tides and that service knows no bounds,” pahayag ni Marcos Jr. “You stand as guardians of safety and stability, and in return, I assure you that this government stands solidly behind you,” dagdag pa niya.
Sa kanyang ulat, inilahad ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang mga tagumpay ng ahensya sa taong 2024–2025, kabilang ang matagumpay na mga operasyon sa West Philippine Sea.
“Aligned with your guidance, we have continued to sail toward a future that is peaceful, resilient, and sovereign,” ani Gavan. “As we chart our course forward, may we continue to be a Coast Guard that is modern yet moral, capable yet compassionate, calm yet unyielding.”
Binigyang-parangal din ng Pangulo ang mga natatanging yunit at tauhan ng PCG sa kanilang katapatan, propesyonalismo, at natatanging serbisyo publiko.
Kabilang sa mga ginawaran ng pagkilala ay ang Coast Guard District Southern Tagalog bilang District of the Year, Coast Guard Station Central Cebu bilang Station of the Year, at BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) bilang 97-Meter Ship of the Year.
Ang selebrasyon ay nagsilbing paalala ng patuloy na sakripisyo at dedikasyon ng PCG sa pagbabantay sa karagatan ng Pilipinas — isang simbolo ng tapang, disiplina, at pagmamahal sa bayan. (Larawan: PCG / Facebook)
