Romualdez itinanggi ang ‘suitcases of cash’ at ilegal sugal rap; sinopla si VP Sara
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-29 21:22:14
Setyembre 29, 2025 – Mariing pinabulaanan ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na inuugnay siya sa ilegal na sugal at umano’y “suitcases of cash,” na tinawag niyang “pure fiction” at walang batayan.
“Sa isyung Okada/Delaware, malinaw: hindi ako kasali, hindi ako iniimbestigahan, at hindi ako akusado. Wala akong kinalaman sa kasong iyon, na away ng dalawang negosyo. Binabalik lang ngayon para siraan ako,” ayon kay Romualdez sa inilabas na pahayag nitong Lunes.
Dagdag pa ng mambabatas, nakakalungkot aniya na mismo ang Pangalawang Pangulo ang nagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na at naharap din ito sa mga seryosong paratang.
“Nakakalungkot na ang mismong Bise Presidente, na inakusahan at na-impeach ng House dahil sa maling paggamit ng pondo, ay siya pang nagkakalat ng ganitong kasinungalingan. When the source itself has lost credibility, why should anyone believe these baseless claims?” dagdag ni Romualdez.
Matatandaang sa isang press briefing, inihayag ni Duterte na hindi lamang sa mga flood control projects umano nakasentro ang isyu ng korapsyon laban kay Romualdez, kundi pati sa operasyon ng ilegal na sugal.
Nanindigan naman si Romualdez na ang mga alegasyong ito ay bahagi lamang ng isang “smear campaign” upang sirain ang kanyang pangalan sa gitna ng umiinit na bangayan sa pagitan ng kampo niya at ni Duterte.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na imbestigasyon mula sa alinmang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa mga paratang ng Pangalawang Pangulo laban kay Romualdez.