Blockchain, ipapatupad na ng DPWH katuwang ang BCP
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-30 16:22:46
SETYEMBRE 30, 2025 — Makakasilip na ang publiko sa takbo ng mga proyektong pinopondohan ng dayuhang ayuda matapos magsanib-puwersa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Blockchain Council of the Philippines (BCP) para sa paggamit ng blockchain technology.
Sa ilalim ng Memorandum of Agreement na nilagdaan nina DPWH Secretary Vince Dizon at BCP President Donald Lim, bubuuin ang isang digital ledger na maglalaman ng impormasyon ukol sa mga proyekto — mula sa budget, bidding, konstruksyon, hanggang sa bayaran sa mga kontratista. Layon nitong gawing bukas sa lahat ang mga datos at mapadali ang pagsubaybay sa bawat hakbang ng proyekto.
“By placing our foreign-assisted projects — those funded by Official Development Assistance (ODA) — on the Integrity Chain, we welcome the scrutiny of the private sector, academe, and civil society,” ani Dizon.
(Sa paglalagay ng mga proyektong may dayuhang pondo sa Integrity Chain, tinatanggap namin ang masusing pagbusisi ng pribadong sektor, akademya, at mga grupo ng mamamayan.)
Dagdag pa niya, “Everyone should be watching now, everyone.”
(Lahat dapat nakatutok ngayon, lahat.)
Ang tinutukoy na Integrity Chain ay isang blockchain-based platform na may kakayahang magpakita ng real-time dashboard para sa gastos at progreso ng proyekto. May sistema rin ito para sa feedback ng mamamayan at pag-uulat ng iregularidad.
Bilang bahagi ng pilot implementation, libre munang ibibigay ng BCP sa DPWH ang subscription sa Integrity Chain sa loob ng isang taon, kasama ang technical support, training, at cybersecurity na sumusunod sa Data Privacy Act of 2012.
Ayon kay Lim, target nilang mailunsad ang sistema sa loob ng 60 araw.
“For the first time, the private sector is not just demanding integrity — we’re building the infrastructure to deliver it,” aniya.
(Sa unang pagkakataon, hindi na lang humihiling ng integridad ang pribadong sektor — kami na mismo ang gumagawa ng imprastruktura para maipatupad ito.)
Suportado rin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang inisyatibo.
“Let’s rally behind technology, let’s rally behind doing a new way of governance in the country,” pahayag ni DICT Secretary Henry Aguda.
(Magkaisa tayo sa teknolohiya, magkaisa tayo sa bagong paraan ng pamamahala sa bansa.)
Inaasahang palalawigin pa ang sistema para masaklaw ang mga lokal na proyekto ng DPWH sa hinaharap.
(Larawan: PTV | Facebook)