Diskurso PH
Translate the website into your language:

Gov. Sol Aragones, personal na rumisponde sa bomb threat sa LSPU

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-30 14:20:40 Gov. Sol Aragones, personal na rumisponde sa bomb threat sa LSPU

Sta Cruz, Laguna — Binalot ng takot at pangamba ang Laguna State Polytechnic University (LSPU) matapos makatanggap ng bomb threat nitong Martes, Setyembre 30, na nagresulta sa pagkansela ng klase at mga aktibidad sa kampus.

Ayon sa ulat, isang nursing student ang nakatanggap ng text message na nagsasabing may nakatanim na limang bomba sa loob ng campus at pasasabugin ito bandang alas-tres ng hapon. Agad na ipinabatid ang insidente sa pamunuan ng unibersidad at sa mga awtoridad.

Sa pamamagitan ng kautusan ni LSPU President Dr. Mario R. Briones, agad na sinuspinde ang klase at pinalikas ang mga estudyante at guro upang bigyang-daan ang masusing inspeksyon ng bomb squad katuwang ang K9 units. Personal namang nagtungo sa lugar si Laguna Governor Sol Aragones upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Pinangunahan ni Provincial Director PCOL Jonar R. Yupio ng Laguna Police Provincial Office ang operasyon kasama ang bomb threat squad. Matapos ang masusing pagsusuri, idineklara nilang negatibo sa anumang pampasabog ang buong kampus.

Gayunpaman, nagdulot ng matinding takot at abala ang insidente, lalo na sa mga estudyante, magulang, at faculty members. Kanselado rin ang pinakahihintay na capping ceremony ng mga nursing student na nakatakda sanang gawin sa araw na iyon.

Ayon kay Gov. Aragones, kahit negatibo ang resulta ng inspeksyon, mananatiling suspendido ang klase sa LSPU hanggang bukas upang masiguro ang kaligtasan at kapanatagan ng lahat.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pinagmulan ng banta at kung sino ang nasa likod ng pagpapadala ng naturang mensahe.

larawan/govsolfb

Sa kabila ng negatibong resulta ng inspeksyon, nananatili ang emosyonal na epekto ng insidente sa komunidad ng LSPU—isang paalala na ang seguridad sa mga institusyon ng edukasyon ay kailangang laging inuuna.

larawan/govsolfb