Marcoleta itinanggi ang ‘coaching’ kay Guteza, sabay banat kay Romualdez
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-30 12:07:51
SETYEMBRE 30, 2025 — Mariing itinanggi ni Senador Rodante Marcoleta ang mga paratang na sinulsulan niya ang testigong si Master Sgt. Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersyal na flood control project. Kasabay nito, binigyang-diin niyang hindi siya natatakot kay House Speaker Martin Romualdez, taliwas sa aniya’y pananahimik ng ilan sa Senado.
Sa kanyang privilege speech nitong Setyembre 29, ipinaliwanag ni Marcoleta na ang kanyang pakikialam sa pagbasa ng salaysay ni Guteza ay para lamang tiyaking kumpleto ang rekord.
Si Guteza ang tanging testigong nag-ugnay sa pangalan nina Romualdez at dating House Appropriations Chair Zaldy Co sa umano’y iregularidad sa flood control project. Ayon kay Marcoleta, malinaw ang sagot ng testigo sa bawat tanong at walang pag-aalinlangan sa kanyang mga pahayag.
“Nakita naman po ninyo kung paano niya sinasagot ang bawat tanong, walang pag-aalinlangan. Siya lang ang natatangi na testigo na kumunekta sa pangalan ni Zaldy Co at Martin Romualdez. Wala nang iba,” ani Marcoleta.
Binatikos din ng senador ang paggamit ng inter-parliamentary courtesy bilang dahilan para hindi maipatawag sina Romualdez at Co sa pagdinig. Aniya, hindi dapat hadlangan ang imbestigasyon lalo na’t kapakanan ng bansa ang nakataya.
“Iisa ang layunin natin dito, yung matukoy natin kung sino ang mayroong utak dito na ngayon unti-unti na naihayag. Sino ba ang natatakot kay Martin Romualdez? Marami po siguro dito sa kapulungang ito. Pero hindi ako natatakot kay Martin Romualdez,” ani Marcoleta.
Sa huli, iginiit ni Marcoleta na ang tunay na isyu ay hindi dapat ilihis.
“Ang ating bansa ang pinakaimportante sa ating lahat. Bakit kinkailangang ilihis natin? Bakit tayo gagawa ng paraan para pagtakpan po natin ang hindi dapat pagtakpan?” dagdag niya.
(Larawan: Rodante Marcoleta | Facebook)