Diskurso PH
Translate the website into your language:

Padilla: Duterte may early signs ng dementia sa kulungan ng ICC

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-30 17:01:46 Padilla: Duterte may early signs ng dementia sa kulungan ng ICC

MANILA — Ikinabahala ni Senador Robin Padilla ang kalagayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, matapos umanong makitaan ng senyales ng maagang dementia.

“Mayroon na pong matinding sakit si Tatay Digong. Sa kasalukuyan po, siya po ay mayroon nang tinatawag nating early signs of dementia,” pahayag ni Padilla sa kanyang privilege speech sa Senado. Ang kanyang pahayag ay kasunod ng ulat ng umano’y pagbisita ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa ICC, na lalong nagpalala ng kanyang pangamba sa kalagayan ng dating pangulo.

Ang pahayag ni Padilla ay tumugma sa mga naunang babala ni Vice President Sara Duterte, na nagsabing natagpuan ang kanyang ama na walang malay sa sahig ng kanyang silid sa ICC detention facility. “The continued detention of Former President Duterte under such troubling conditions is not only unjust but inhumane. It amounts to punishment without having been convicted of any crime,” ani Sara Duterte.

Ayon sa kanyang legal counsel na si Nicholas Kaufman, si Duterte ay nakaranas ng ilang insidente ng pagkahulog sa kanyang selda, kabilang ang pagkawala ng malay at pag-evacuate sa ospital para sa pagsusuri sa posibleng pinsala sa utak. Dagdag pa ni Kaufman, “The former president is fatigued from his detention and physically incapacitated by various medical conditions afflicting a person of his advanced age.”

Dahil dito, ipinagpaliban ng ICC ang confirmation of charges hearing na nakatakda sana noong Setyembre 23, matapos igiit ng kampo ni Duterte na siya ay “not fit to stand trial” dahil sa cognitive impairment, kabilang ang kawalan ng kakayahang maalala ang mga lugar, pangyayari, at maging ang mga miyembro ng kanyang pamilya.

Nanawagan si Sara Duterte sa ICC na payagan ang interim release ng dating pangulo upang makapagpahinga sa ilalim ng house arrest sa Davao City. “Kahit house arrest ‘yan doon, kahit na gusto ng ICC na ilibing sa ilalim ng bunker ‘yan, ‘yung house arrest niya walang problema sa amin, gagawin namin ‘yan,” aniya.

Sa kabila ng mga panawagan, tumanggi ang ICC na magbigay ng komento sa kalagayan ni Duterte, ngunit iginiit ng tagapagsalita nitong si Fadi El Abdallah na “the Court takes all necessary measures for the preservation of physical and psychological well-being of all detainees”.

Patuloy ang pag-aantabay ng publiko sa magiging desisyon ng ICC kaugnay sa kalagayan ni Duterte, habang nananatiling mainit ang diskurso sa Pilipinas ukol sa karapatang pantao, hustisya, at pangangalaga sa mga nakatatanda.