Palugit sa rehistro, lisensya pinalawig ng LTO — walang multa hanggang Oktubre 3
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-30 15:18:31
SETYEMBRE 30, 2025 — Nagpalabas ng direktiba ang Land Transportation Office (LTO) na nagpapalawig ng bisa ng mga rehistradong sasakyan at lisensyang pa-expire ngayong Setyembre 30, bilang tugon sa epekto ng mga bagyong tumama sa bansa nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, hindi na sisingilin ng multa ang mga huling magparehistro o mag-renew ng lisensya hanggang Oktubre 3. Sakop ng kautusan ang lahat ng tanggapan ng LTO sa bansa.
“The validity of all motor vehicle registration expiring on 30 September 2025 and driver’s license due for renewal on 30 September 2025 shall be extended and no penalty/ies shall be collected until 03 October 2025,” ani Mendoza sa kanyang memorandum.
(Ang bisa ng lahat ng rehistrasyon ng sasakyan na mag-e-expire sa 30 Setyembre 2025 at lisensyang dapat i-renew sa 30 Setyembre 2025 ay palalawigin at walang multa na kokolektahin hanggang 03 Oktubre 2025.)
Bukod dito, pinalawig din ang palugit para sa pag-aayos ng mga kaso ng traffic apprehension mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 3.
Paliwanag ni Mendoza, ang desisyon ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng malalakas na pag-ulan dulot ng habagat at bagyong “Nando.”
Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din ng LTO ang pagkansela ng trabaho sa mga ahensya ng gobyerno sa Metro Manila at iba pang lugar na tinamaan ng sama ng panahon.
Ang hakbang na ito ay inaasahang makatutulong sa mga motorista at driver na hindi nakalabas ng bahay o hindi nakapunta sa LTO dahil sa masamang panahon. Pinayuhan ang publiko na gamitin ang palugit upang makaiwas sa abala at dagdag gastos.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng LTO o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan.
(Larawan: LTO - National Capital Region)