Reservist status ni Kiko Barzaga, nais bawiin ng Army matapos ang panawagang paglahok sa protesta
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-30 17:10:34
SETYEMBRE 30, 2025 — Inirekomenda ng Philippine Army ang pagtanggal kay Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga mula sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Force dahil sa umano’y paglabag sa mga patakaran ng militar kaugnay ng kanyang mga pahayag sa social media.
Ayon kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Army, ang rekomendasyon ay resulta ng masusing imbestigasyon sa mga kilos ni Barzaga na itinuturing na “grave offense of misconduct.”
“He is recommended for delisting after a thorough investigation. The recommendation is forwarded through the proper channel for final action,” ani Dema-ala.
(Inirekomenda siyang tanggalin matapos ang masusing imbestigasyon. Isinumite na ang rekomendasyon sa tamang ahensya para sa pinal na aksyon.)
Si Barzaga ay na-enlist bilang private noong Enero 10, 2025 sa ilalim ng National Capital Region Regional Community Defense Group (NCRRDG), isang unit ng Army Reserve Command (ARESCOM). Ipinakita pa niya sa social media ang mga larawan ng kanyang pagsasanay sa Basic Citizen Military Training (BCMT) noong Nobyembre 2024.
Ang naging batayan ng rekomendasyon ay ang mga post ni Barzaga sa social media, partikular ang kanyang panawagan sa mga sundalo, pulis, at reservists na lumahok sa protesta noong Setyembre 21, 2025.
Sa isa sa kanyang post, binatikos niya ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga flood control projects.
“His speeches and utterances on social media insinuating that the AFP, PNP, and reservists will join the protest on Sept. 21, 2025, declaring the loss of trust in the President by the AFP and PNP, and the likes, constitute misconduct,” paliwanag ni Dema-ala.
(Ang kanyang mga pahayag sa social media na nagpapahiwatig na sasali ang AFP, PNP, at mga reservist sa protesta noong Setyembre 21, 2025, at ang deklarasyong nawalan na ng tiwala sa Pangulo, ay itinuturing na misconduct.)
Nilinaw ng Army na ang desisyon ay limitado lamang sa pagiging reservist ni Barzaga at hindi nakaaapekto sa kanyang tungkulin bilang halal na opisyal.
Ang proseso ng pagtanggal ay alinsunod sa General Headquarters Standard Operating Procedure No. 07 na ipinatupad noong Hunyo 7, 2018. Nakasaad dito ang mga dahilan ng delisting gaya ng misconduct, hindi pagsunod sa mga rekisito, at mga gawaing salungat sa prinsipyo ng AFP.
Binigyang-diin ng Army na ang mga reservist ay hindi maaaring makilahok sa mga kilos-protesta habang dala ang kanilang status bilang miyembro ng AFP. Bawal silang magsuot ng uniporme, gamitin ang pangalan ng AFP o unit nila, o kumatawan sa militar sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa pulitika.
Ang mga paglabag ay maaaring humantong sa administratibo o legal na parusa, ayon sa Republic Act 7077 at sa AFP Code of Ethics.
“Again, we remind all active-duty personnel as well as reservists to uphold military professionalism and non-partisanship, as enshrined in the AFP Code of Ethics, ensuring that all actions do not compromise our noble profession of arms,” dagdag ni Dema-ala.
(Muli naming pinaaalalahanan ang lahat ng aktibong sundalo at reservist na panatilihin ang propesyonalismo at pagiging non-partisan, ayon sa AFP Code of Ethics, upang hindi masira ang dangal ng aming propesyon.)
(Larawan: Kiko Barzaga | Facebook)