Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sampaloc Lake pansamantala isasara mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15, 2025

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-30 19:40:56 Sampaloc Lake pansamantala isasara mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15, 2025

San Pablo City — Pansamantalang ipasasara ang Sampaloc Lake area simula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15, 2025, bilang bahagi ng mga hakbang upang mapangalagaan ang lawa at ang kapaligiran nito. Ipinahayag ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng San Pablo sa pangunguna ni Mayor Arcadio Nanjie Gapangada Jr. at Sangguniang Panglungsod.

Ayon sa anunsyo, layunin ng “rest period” na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kalinisan at kaayusan, at higit pang maihanda ang Sampaloc Lake bilang pangunahing atraksyon para sa mga residente at bisita.

Sa panahon ng pagsasara, isasagawa ang iba’t ibang aktibidad kabilang ang:

  • Pagkukumpuni ng kalsada sa paligid ng lawa sa pangunguna ng DPWH

  • Pagsusuri ng City Engineering Office upang maiwasan ang soil erosion o pagguho ng lupa

  • Pagpupungos ng mga puno ng City Environment and Natural Resources Office para maiwasan ang pagbagsak ng mga sanga

  • Pagsusuri ng Bureau of Fire Protection sa mga kabahayan at gusali para sa mas ligtas na kapaligiran

  • Pagsasaayos ng mga pasyalan ng City Tourism Office

  • Pagpapatupad ng ordinansa kontra sagabal sa kalsada at pagpaplano ng mas maayos na daloy ng trapiko ng City Traffic Management Office

  • Pakikipagtulungan ng Solid Waste Management Office at mga barangay para sa mas episyenteng pangongolekta ng basura

  • Paglunsad ng “Linis Lawa Program” ng Friends of Seven Lakes Foundation kasama ang mga lokal na organisasyon, boluntaryo, FARMC, at mga barangay sa paligid ng lawa

Bagama’t isasailalim sa pansamantalang pahinga, papayagan pa ring makapasok sa lugar ang mga residente, rehistradong bisita, mangingisda, negosyante, at kostumer ng mga establisimyentong may kaukulang permit. Maaari rin ang jogging at paglalakad sa mga ligtas na bahagi, ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang malalaking pagtitipon gaya ng fun run at konsiyerto.

Maglalagay ng mga bantay mula sa PNP at mga barangay tanod upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin.

Nanawagan ang DPWH at Pamahalaang Lungsod ng San Pablo sa kooperasyon ng publiko upang maging matagumpay ang proyektong ito, na naglalayong mapreserba ang kagandahan at kalinisan ng Sampaloc Lake para sa kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

larawan/google