Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tangkang pag-deregister ng 3 chopper ni Zaldy Co, naharang ng gobyerno

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-30 16:20:26 Tangkang pag-deregister ng 3 chopper ni Zaldy Co, naharang ng gobyerno

SETYEMBRE 30, 2025 — Naharang ng pamahalaan ang tangkang pag-deregister ng tatlong helicopter na nakarehistro sa mga kumpanyang konektado kay dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na sinubukan ng ilang kumpanya — kabilang ang Misibis Aviation — na alisin sa rehistro ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang tatlong air assets. Layunin umano ng hakbang na ito ay ang pagbebenta ng mga chopper sa mga banyagang buyer.

“Ang pagkakasabi sa akin ng CAAP, kaya ‘yun dine-deregister ay dahil may plano silang ibenta. Dahil hindi mo maibebenta at mabibili ng gustong bumili n’on kung hindi i-deregister sa Pilipinas,” pahayag ni Dizon sa media.

Dagdag pa ni Dizon, agad na pinigil ng gobyerno ang proseso ng deregistration at naglabas ang CAAP ng standing order na nagbabawal sa pag-aalis ng rehistro ng lahat ng air assets na may kaugnayan sa mga Co.

Ang tatlong helicopter ay bahagi ng mas malawak na listahan ng mga aircraft na hinihiling ng DPWH na ipa-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Tinatayang nasa $74.650 milyon o humigit-kumulang P4.3 bilyon ang kabuuang halaga ng mga air asset na nakarehistro sa mga kumpanya ng pamilya Co.

Kabilang sa mga ito ang isang Gulfstream 350 na nagkakahalaga ng $36 milyon, dalawang Augusta Westland AW1398 na tig-$16 milyon, dalawang Bell 4017 na tig-$3 milyon, at isang Bell 206B3 na nagkakahalaga ng $650,000. Ang mga ito ay nakarehistro sa Misibis Aviation, isang kumpanyang pinamumunuan ng anak ni Zaldy Co na si Michael Ellis.

Matatandaang nagbitiw si Zaldy Co bilang kongresista noong Setyembre 29 sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng flood control projects at mga insertion sa pambansang budget. Mariin niyang itinanggi ang mga paratang.

“All I can tell you now is that the accusations being made against me are false. In due time, I will give my statements on the matter. At present, I can only stay silent to protect my family and myself. We are in grave danger,” saad ni Co sa kanyang liham kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

(Ang masasabi ko lang ngayon ay hindi totoo ang mga akusasyon laban sa akin. Sa tamang panahon, magbibigay ako ng pahayag. Sa ngayon, mananahimik muna ako para maprotektahan ang aking pamilya at sarili. Malaki ang panganib na kinakaharap namin.)

(Larawan: Philippine News Agency)