Imee Marcos left the group! Senadora naglabas ng sama ng loob sa diumano’y panggigipit at siraan sa Senado
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-02 20:47:53
Manila — Umalis si Senadora Imee Marcos mula sa isang senatorial group chat matapos ipahayag ang kaniyang pagkadismaya sa umano’y panggigipit, pamumulitika, at personalan sa loob ng Senado.
Ayon kay Marcos, ang mga usapan at pagdinig ay lumilihis na sa tunay na tungkulin ng lehislatura. Giit niya, imbes na magkaisa ang mga senador sa harap ng mga hamon at kalamidad na kinakaharap ng bansa, tila mas binibigyang-diin ang intriga at bangayan sa loob mismo ng institusyon.
“Noon, kapag may sakuna o delubyo, lahat ng senador ay nagkukumahog manawagan ng pakikiisa at nag-aambagan. Ngayon, siraan at pang-aapi sa kapwa ang inaatupag — mas malala pa kaysa sa lindol,” pahayag ni Marcos.
Idinagdag pa niya na mas nais niyang ituon ang panahon sa paggawa ng batas at pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.
“Ang gusto ko ay magtrabaho. Nakapagpasa na ako ng dalawang international treaties at naghain na ako ng bagong Cooperative Code. Mula nang mahalal noong Mayo, meron na akong tatlong batas: Barangay at SK term extension, Konektadong Pinoy, at Libreng Libing. Lahat ito habang abala ang ilan sa pang-aapi sa kapwa senador,” ani ng senadora.
Binanggit din ni Marcos na ang kaniyang desisyon na iwan ang group chat ay simbolo ng kaniyang pagtutol sa kultura ng pamumulitika at personalan sa halip na pagkakaisa. Hinikayat niya ang kaniyang mga kapwa senador na tumigil sa pagmamagaling at pag-aaway, at higit na ituon ang oras sa pagsusulong ng mga makabuluhang batas.
Ang hakbang ni Marcos ay nagbigay-diin sa tumitinding tensyon sa Senado, lalo na’t kasalukuyang hinaharap ng bansa ang mga isyung pang-ekonomiya at ang pinsala ng malalakas na kalamidad. Para sa ilan, ito ay maaaring senyales ng mas malalim na hidwaan sa pagitan ng mga senador, na posibleng makaapekto sa takbo ng lehislatura sa mga susunod na buwan.
Larawan: Sen. Imee Marcos Facebook