5 heritage churches sa Cebu nasira sa magnitude 6.9 na lindol
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-07 18:06:16
CEBU — Kumpirmado ng Department of Tourism (DOT) na limang heritage churches sa Cebu ang nagtamo ng pinsala matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Northern Cebu noong Setyembre 30. Ayon sa DOT, ang mga simbahan ay bahagi ng cultural and religious heritage ng rehiyon at itinuturing na mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Sa pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco, “We are saddened by the damage sustained by these heritage churches, which are not only places of worship but also symbols of our rich history and identity.” Dagdag pa niya, nagsasagawa na ng assessment at documentation ang DOT at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang matukoy ang lawak ng pinsala at ang mga hakbang para sa restoration.
Kabilang sa mga nasirang simbahan ay ang:
- San Juan Bautista Church sa San Remigio
- St. William of Aquitaine Church sa Tabogon
- Nuestra Señora de la Candelaria Church sa Medellin
- St. James the Apostle Church sa Daanbantayan
- Nuestra Señora de los Remedios Church sa Bogo City
Ayon sa Cebu Provincial Tourism Office, ang mga simbahan ay nagtamo ng bitak sa mga pader, pagguho ng bahagi ng kisame, at pagkabasag ng mga antigong imahe at altar. May ilan ding bahagi ng mga kampanaryo ang bumagsak, dahilan upang pansamantalang isara ang mga ito sa publiko.
Nagpahayag ng suporta ang DOT sa mga lokal na pamahalaan at simbahan para sa restorasyon at konserbasyon ng mga istruktura. “We will coordinate with the Church and cultural agencies to ensure that restoration efforts are historically accurate and structurally sound,” ani Frasco.
Samantala, nanawagan ang NCCA sa publiko na iwasan muna ang pagbisita sa mga nasirang simbahan habang isinasagawa ang structural assessment. “Safety is our priority. We ask for understanding as we work to preserve these irreplaceable landmarks,” ayon sa NCCA Heritage Section.
Ang limang simbahan ay bahagi ng mga panukalang isama sa tentative list ng UNESCO World Heritage Sites, dahil sa kanilang arkitektura at kasaysayan na sumasalamin sa panahon ng kolonyalismong Kastila.
Larawan mula sa Radio Veritas Asia