Roque kay Bato: ICC warrant of arrest, inilabas na – 'Wag ka pa-kidnap!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-08 10:42:12
DISYEMBRE 8, 2025 — Nagbabala si dating presidential spokesperson Harry Roque kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos niyang igiit na inilabas na ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban sa dating hepe ng Philippine National Police.
Sa sunod-sunod na Facebook posts nitong Disyembre 7, sinabi ni Roque na dapat mag-ingat si Dela Rosa at huwag hayaang madukot.
“Sen Bato, your warrant of arrest is out! Hwag ka pa-kidnap! Insist that you have the right to be brought before a Philippine Court first!” giit niya.
(Senador Bato, inilabas na ang warrant of arrest laban sa iyo! Hwag ka pa-kidnap! Igiiit mo na may karapatan kang dalhin muna sa korte ng Pilipinas!)
Dagdag pa niya, dapat magposas si Dela Rosa sa loob ng Korte Suprema bilang “sanctuary.”
“Sen Bato: mag posas ka na sa loob ng hukuman, preferably sa Supreme Court! Mag sanctuary ka dun! Hwag na hwag ka magpapadukot,” saad ni Roque.
Wala pang opisyal na dokumento mula sa Department of Justice (DOJ), Department of Foreign Affairs (DFA), o Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpapatunay sa sinasabing warrant. Ayon sa DILG, wala ring inilabas na Red Notice ang Interpol laban kay Dela Rosa.
Gayunman, paulit-ulit na sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may umiiral na warrant mula ICC kaugnay ng umano’y “crimes against humanity” na naganap sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Mula nang unang banggitin ni Remulla ang naturang impormasyon noong Nobyembre, hindi na muling nakita sa Senado si Dela Rosa.
Si Dela Rosa ang itinuturing na “arkitekto” ng Oplan Tokhang mula 2016 hanggang 2018, na ayon sa datos ng gobyerno ay nagresulta sa mahigit 6,000 pagkamatay. Tinataya naman ng mga human rights groups na umabot sa 30,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi.
Bagama’t kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019, nananatili ang hurisdiksiyon ng korte sa mga insidente mula 2016 hanggang sa petsa ng withdrawal.
Ang sinasabing warrant laban kay Dela Rosa ay kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Marso 2025, na kasalukuyang nakadetine sa The Netherlands para sa parehong kaso.
Noong Nobyembre, nilinaw ng Malacañang na kahit may warrant, hindi awtomatikong maisusuko si Dela Rosa sa ICC. Ayon sa bagong patakaran ng Korte Suprema, kailangang dumaan muna sa proseso ng hudikatura ng Pilipinas ang anumang extradition.
Samantala, iginiit ni Roque na siya ay isang “protected bona fide asylum seeker” sa ilalim ng batas ng Netherlands at Europa. Mariin niyang tinutulan ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na maglabas ng Red Notice laban sa kanya.
“The allegation is simply fabricated, unsupported by evidence, and weaponized to discredit and silence me,” giit niya.
(Ang paratang ay pawang imbento, walang ebidensya, at ginagamit lamang para siraan at patahimikin ako.)
Ayon kay Roque, labag sa Konstitusyon ng Interpol ang naturang hakbang dahil ipinagbabawal ang mga kasong may “political character.” Nagsumite na siya ng opisyal na pagtutol sa Commission for the Control of Interpol’s Files upang pigilan ang kahilingan ng pamahalaan.
(Larawan: X)
