Marcos Highway nakaranas ng 'Christmas carmageddon'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-08 08:41:53
MANILA — Naranasan ng mga motorista at commuter ang tinaguriang “Christmas carmageddon” sa Marcos Highway nitong Sabado, Disyembre 6, kung saan halos tumigil ang daloy ng trapiko patungong Marikina at Antipolo dahil sa dagsa ng mga sasakyan ngayong kapaskuhan.
Maraming motorista ang nagbahagi ng kanilang karanasan sa social media, kabilang ang isang pasahero na halos tatlong oras nang nasa biyahe mula Mandaluyong ngunit hindi pa rin nakararating sa Marikina. May ilan ding napilitang maglakad sa kahabaan ng highway dahil sa kawalan ng masakyan.
Sa labas ng mga mall na nakapaligid sa Marcos Highway, makikitang nagtipon ang mga commuter na naghihintay ng masasakyan pauwi. Ang sitwasyon ay lalong nagpatindi ng kalbaryo ng mga pasahero ngayong kapaskuhan.
Maging si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations chief Edison “Bong” Nebrija ay naipit din sa trapiko nang halos kalahating oras. Ipinaliwanag ng MMDA na ang matinding trapiko ay dulot ng mataas na volume ng mga sasakyan mula C5 at EDSA na dumadaan sa Marcos Highway.
Samantala, daan-daang sasakyan ang naipit sa standstill traffic sa junction ng Sumulong Highway at Marcos Highway sa Antipolo City noong Sabado ng gabi.
Ang tinaguriang “carmageddon” ay inaasahang magpapatuloy sa mga darating na linggo habang papalapit ang Pasko, dahil sa pagdagsa ng mga mamimili at biyahero. Ayon sa mga awtoridad, inaasahan na ang ganitong sitwasyon tuwing holiday season, lalo na sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila at Rizal.
Larawan mula kay Alvin Maaño
