Magnitude 4.4 na lindol, yumanig sa Baguio; mga estudyante ng BNHS naglabasan matapos ang pagyanig
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-09 16:10:25
Baguio City — Bahagyang tensyon ang naramdaman sa Baguio City nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 9, 2025, matapos yanigin ng magnitude 4.4 na lindol ang lungsod at mga kalapit na lugar.
Inaayos ngayon ang damage assessment para malaman kung may pinsala sa istruktura o iba pang pasilidad.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang epicenter ng lindol sa bayan ng Pugo, La Union, mga tatlong kilometro hilaga ng lungsod, sa lalim na 23 kilometro.
Naramdaman ang pagyanig dakong 10:30 ng umaga, na may Intensity 4 sa Baguio City, Pugo at Tubao, La Union, habang Intensity 3 naman sa Itogon, Benguet at ilang bahagi ng Pangasinan.
Sa Baguio National High School (BNHS), naglabasan ang mga estudyante at guro matapos maramdaman ang pag-uga ng lupa. Sa mga larawang kumalat sa social media, makikitang maayos na nagsilikas ang mga mag-aaral patungo sa open grounds bilang bahagi ng kanilang earthquake safety protocol.
Ayon sa mga ulat, walang naitala na nasugatan o nasirang gusali, ngunit pansamantalang itinigil ang klase sa ilang paaralan bilang pag-iingat. Nagpapatuloy naman ang assessment ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga istruktura sa lungsod.
Sa kasalukuyan, sinabi ng Phivolcs na walang inaasahang malalakas na aftershocks, ngunit pinaalalahanan pa rin ang publiko na maging alerto at sumunod sa mga alituntunin ng mga awtoridad sa panahon ng lindol.