Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bulkang Bulusan, bantay sarado matapos ang sunod-sunod na lindol; panganaib ng pagsabog, nakaamba

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-12 15:23:40 Bulkang Bulusan, bantay sarado matapos ang sunod-sunod na lindol; panganaib ng pagsabog, nakaamba

OKTUBRE 12, 2025 — Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng biglaang pagsabog ng Bulusan Volcano sa Sorsogon matapos makapagtala ng 72 pagyanig sa loob lamang ng 24 oras mula Oktubre 11.

Ayon sa ahensya, ang mga naitalang lindol ay dulot ng pagguho ng mga bato sa ilalim ng hilagang bahagi ng bulkan, sa lalim na mas mababa sa 10 kilometro. Bukod dito, nakitaan din ng mahinang pagbuga ng gas mula sa mga aktibong bitak ng bulkan sa mga nakalipas na araw.

Batay sa datos noong Oktubre 9, nasa 31 tonelada kada araw ang average na sulfur dioxide (SO₂) emission ng Bulusan — malayo pa sa baseline na 200 tonelada. Ipinapahiwatig nito ang presensiya ng mababaw na hydrothermal activity sa ilalim ng bulkan.

Bagama’t nananatili sa Alert Level 1 ang Bulusan, iginiit ng Phivolcs na may mataas na posibilidad ng steam-driven o phreatic eruption na maaaring mangyari nang walang babala.

“Alert Level 1 (low-level unrest) is maintained over Bulusan Volcano, but presently there are increased chances of steam-driven or phreatic eruptions occurring from the crater and/or its active vents on the summit that could occur suddenly and without warning,” ayon sa Phivolcs. 

(Alert Level 1 (mababang antas ng pag-aalburuto) ang umiiral sa Bulusan Volcano, ngunit sa kasalukuyan ay may mas mataas na posibilidad ng steam-driven o phreatic eruption mula sa bunganga o aktibong bitak sa tuktok ng bulkan na maaaring mangyari nang biglaan at walang babala.)

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ). Pinapayuhan din ang publiko na maging alerto sa dalawang kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan dahil sa banta ng pyroclastic density currents, pagbagsak ng bato, abo, at mga tipak ng lava.

Pinayuhan ang mga residente sa mga lambak at daluyan ng ilog, lalo na sa kanlurang bahagi ng bulkan, na mag-ingat sa posibleng pag-agos ng lahar at putik kapag bumuhos ang malakas at tuloy-tuloy na ulan.

Para sa mga komunidad na maaapektuhan ng ashfall, inirerekomenda ang paggamit ng face mask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo, lalo na sa matatanda, buntis, sanggol, at may sakit sa puso o baga.

Binigyang-diin din ng Phivolcs ang babala sa mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Bulusan dahil sa panganib ng abo sa mga sasakyang panghimpapawid.

(Larawan: Philippine News Agency)