Surigao del Sur, walang pinsalang naitala matapos ang lindol; mga tulay, sinusuri
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-12 11:52:32
OKTUBRE 12, 2025 — Walang naiulat na pinsala sa mga bayan ng Surigao del Sur matapos ang malakas na lindol na yumanig sa baybayin ng Cagwait noong Sabado ng gabi, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Tumama ang magnitude 6.2 na lindol bandang 10:32 p.m. at agad na nagdulot ng paglikas sa ilang pasyente sa ospital, na pansamantalang inilagay sa mga tent. Nanatiling aktibo ang emergency operations center ng lalawigan habang patuloy ang pagtanggap ng ulat mula sa mga lokal na pamahalaan.
“So far, masaya kami at least, sa awa ng Diyos, wala pong damages na nai-report sa amin,” pahayag ni Alex Arana, hepe ng PDRRMO.
Matapos ang pag-alis ng tsunami warning, nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang mga residente sa Cagwait, Tandag, at iba pang baybaying komunidad.
Samantala, agad na nagsagawa ng inspeksyon ang pamahalaang panlalawigan sa mga tulay sa rehiyon, kabilang ang tulay na nag-uugnay sa Tago at Tandag. Ayon kay Governor Johnny Pimentel, ligtas pa rin itong daanan.
“Based on the engineers’ assessment, the visible cracks on the bridge were not structural but were expansion joints designed to move and absorb vibrations during an earthquake,” ani Pimentel.
(Batay sa pagsusuri ng mga inhinyero, ang mga bitak sa tulay ay hindi istruktural kundi bahagi ng expansion joints na idinisenyong gumalaw at mag-absorb ng pagyanig.)
Gayunpaman, nagpatupad ng mga hakbang pangkaligtasan: isang sasakyan lamang ang pinapayagang tumawid sa bawat pagkakataon, at may traffic enforcers sa magkabilang dulo ng tulay. Pinapayagan ang mga magagaan na sasakyan gaya ng motorsiklo, tricycle, pedicab, at pribadong kotse, ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang paghinto sa tulay.
Ang mga six-wheeler truck ay kailangang magbaba ng kargamento bago makatawid, habang ang mga 10-wheeler at fully loaded trucks ay pinayuhang dumaan sa alternatibong ruta habang hinihintay ang karagdagang pagsusuri ng DPWH.
“The safety of our people is our top priority,” dagdag ni Pimentel. “We are asking for the public’s patience and cooperation as we continue to monitor the situation and conduct further evaluations.”
(Ang kaligtasan ng ating mga kababayan ang pangunahing prayoridad. Hinihiling namin ang pasensya at pakikiisa ng publiko habang patuloy naming binabantayan ang sitwasyon at nagsasagawa ng karagdagang pagsusuri.)
Sa Tago, sinuri rin ni Mayor Jelio Val C. Laurente ang tulay patungong La Paz, Agusan del Sur. Bagamat may bitak na nakita, ligtas pa rin itong daanan ng lahat ng uri ng sasakyan. Pinayuhan niya ang mga motorista na magdahan-dahan at mag-ingat.
Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa lokal at pambansang antas upang tiyaking ligtas ang mga imprastraktura sa lalawigan. Pinayuhan ang publiko na manatiling kalmado, makinig sa opisyal na anunsyo, at ihanda ang emergency kits sakaling magkaroon ng panibagong pagyanig.
(Larawan: Wikipedia)