Maynila naghahanda sa banta ng ‘The Big One’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-14 09:21:20
MANILA — Pinaiigting ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang paghahanda para sa posibleng pagtama ng “The Big One,” isang projected magnitude 7.2 na lindol na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa Metro Manila, kasunod ng sunod-sunod na malalakas na lindol sa Visayas at Mindanao.
Sa kanyang lingguhang online address, sinabi ni Mayor Isko Moreno: “We have to prepare. Whatever resources we have now, we will deploy.” Inanunsyo rin niya ang pamamahagi ng mahigit 101,000 Manila Vital Care Kits ngayong linggo bilang bahagi ng disaster preparedness program ng lungsod.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang West Valley Fault — na dumadaan sa Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, at Muntinlupa — ay nasa loob ng tinatawag na “recurrence interval” para sa malalaking lindol. “If you consider the lower boundary, which is 400 years — so 1658 plus 400 years, that would be 2058,” paliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol. “It means that as we get closer to 2058, the probability of this thing recurring is increasing”.
Nagbabala rin si DOST Secretary Renato Solidum Jr. na kahit magnitude 6.5 lamang ang tumama sa gitna ng West Valley Fault, maaaring magresulta ito sa “tens of thousands” na casualties dahil sa dami ng populasyon at istruktura sa NCR. “So the more buildings, the more population, the higher the potential impact,” ani Solidum.
Bilang tugon, inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang strategic plan para sa rescue at evacuation efforts, kabilang ang pagtalaga ng mga evacuation centers sa lungsod. Ayon sa Earthlingorgeous, tinatayang mahigit 30,000 ang maaaring mamatay at higit 100,000 ang masusugatan kung maganap ang “The Big One”.
Nanawagan ang mga eksperto sa publiko na huwag mag-panic, kundi maghanda. Kabilang sa mga rekomendasyon ang pagkakaroon ng go-bag, pag-alam sa mga evacuation routes, at pagsali sa mga earthquake drills.