Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱50-₱60 umento sa minimum wage earners at kasambahay, ipatutupad sa Central Luzon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-15 09:25:00 ₱50-₱60 umento sa minimum wage earners at kasambahay, ipatutupad sa Central Luzon

SAN FERNANDO, PAMPANGA — Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) III ang dagdag na sahod para sa mga minimum wage earners at kasambahay sa Central Luzon, ayon sa Wage Orders RBIII-26 at RBIII-DW-05 na inilabas nitong Oktubre 14.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang dagdag-sahod ay ipatutupad sa dalawang tranches: ang unang bahagi ay magsisimula sa Oktubre 30, 2025, habang ang ikalawang bahagi ay sa Abril 16, 2026.

Para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector sa mga probinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales, tataas ang arawang sahod mula ₱550 hanggang ₱600. Sa agriculture sector, mula ₱520 ay magiging ₱570, habang sa retail and service sector, tataas mula ₱540 hanggang ₱590.

Sa Aurora province, makakatanggap ng ₱60 dagdag ang mga manggagawa sa non-agriculture at agriculture sectors, na magtataas ng sahod sa ₱560 at ₱545, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, ang mga kasambahay sa rehiyon ay makakatanggap ng dagdag na ₱500 kada buwan, mula sa dating ₱5,000 ay magiging ₱5,500 na ang minimum monthly wage.

Ayon sa DOLE, layunin ng wage adjustment na tugunan ang epekto ng inflation at mapanatili ang purchasing power ng mga manggagawa sa rehiyon. “This is a step toward ensuring decent living standards for our workers,” pahayag ng ahensya.