Chavit, binira ang bagong ICI; iginiit na panangga lang kay Marcos
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-15 10:06:03
OKTUBRE 15, 2025 — Muling bumira si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa administrasyong Marcos, kasabay ng pagtuligsa sa bagong likhang Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Singson, hindi solusyon ang ICI sa isyu ng katiwalian. Sa halip, ginagamit umano ito para ilihis ang imbestigasyon sa mga proyekto ng gobyerno na may anomalya.
“Walang mangyayari. Bakit ililipat nila sa farm-to-market road? Ginugulo nila huwag lang mapunta kay Marcos,” aniya.
Hinimok ni Singson ang komisyon na agad magsampa ng kaso laban sa mga opisyal na sangkot sa bilyong pisong flood control fund anomaly. Binanggit din niya ang umano’y “questionable contractors” sa Ilocos Norte na konektado raw mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa isyu ng korapsyon, binatikos din ni Singson ang umano’y kawalan ng kakayahan ng pangulo. Tinawag niya itong “bangag” at ikinonekta sa isang insidente sa Amerika kung saan nasawi ang anak ng isang kilalang negosyanteng Pilipino. Ayon sa kanya, naroon daw ang First Couple sa naturang pangyayari.
Sa parehong forum sa Quezon City, binuksan ni Singson ang posibilidad ng panibagong “Trillion Peso Protest” laban sa pamahalaan. Giit niya, dapat pangunahan ito ng kabataan.
“Kapag lumakas ’yan, baka pati AFP umatras na,” babala niya.
Pinuna rin ni Singson ang pagkakatalaga kay dating Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang Ombudsman.
“Pitong taon siya (Boying Remulla) diyan. Walang makakagalaw kay Marcos. Babalik lang sa US ’yan,” aniya.
Matatandaang si Singson ay dating nasangkot sa kaso ng maling paggamit ng tobacco excise tax funds ngunit napawalang-sala dahil sa pagkaantala ng imbestigasyon ng Ombudsman.
(Larawan: Luis Chavit Singson | Facebook)