MRT-3, magbibigay ng libreng sakay sa mga piling oras sa Oktubre 26
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-15 11:33:21
OKTUBRE 15, 2025 — Makakalibre ng pamasahe ang mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Oktubre 26, bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng Consumer Welfare Month.
Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Miyerkoles na magkakaroon ng libreng sakay sa MRT-3 sa dalawang takdang oras: mula 7:00 hanggang 9:00 ng umaga, at mula 5:00 hanggang 7:00 ng gabi.
Ang hakbang ay resulta ng pagtutulungan ng DTI at ng Department of Transportation (DOTr) sa pamumuno ng MRT-3 management. Layunin nitong bigyang-pugay ang mga konsumer at ipaalala ang kahalagahan ng kanilang karapatan at kapakanan.
“In celebration of Consumer Welfare Month, DTI and DOTr MRT-3 will give free rides to all commuters on October 26, 2025!” pahayag ng DTI sa isang Facebook post.
(Bilang pagdiriwang ng Consumer Welfare Month, magbibigay ng libreng sakay ang DTI at DOTr MRT-3 sa lahat ng pasahero sa Oktubre 26, 2025!)
Hindi ito ang unang beses na nag-alok ng libreng sakay ang MRT-3. Sa mga nakaraang taon, naging bahagi na rin ito ng mga pampublikong kampanya at selebrasyon, gaya ng National Heroes Day at Independence Day.
Bagama’t limitado sa apat na oras ang libreng biyahe, inaasahang makikinabang dito ang libu-libong manggagawa, estudyante, at ordinaryong komyuter na araw-araw dumaraan sa EDSA.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay City, at isa sa mga pangunahing transportasyon sa Metro Manila.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na samantalahin ang libreng sakay at magplano ng biyahe nang maaga upang maiwasan ang siksikan sa mga istasyon.
Ang Consumer Welfare Month ay ginugunita tuwing Oktubre upang palakasin ang adbokasiya para sa proteksyon ng mga mamimili sa bansa.
(Larawan: DOTr MRT-3 / DTI Consumer Care| Facebook)