Shrine ng Our Lady of the Most Holy Rosary, nasunog sa Sorsogon dahil umano sa kandila
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 09:25:02CASIGURAN, SORSOGON — Nasunog ang higanteng imahen ng Our Lady of the Most Holy Rosary Shrine sa Barangay Central, Casiguran, Sorsogon noong gabi ng Oktubre 13, kasabay ng pagdiriwang ng Holy Rosary Month ng mga Katoliko.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Sorsogon, nakatanggap sila ng tawag bandang alas-9:08 ng gabi ukol sa insidente. Agad na rumesponde ang mga bumbero at naapula ang apoy makalipas ang ilang minuto. Sa ulat ng GMA Integrated News, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa korona ng imahen na gawa sa fiber glass.
Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, posibleng sanhi ng sunog ang apat na kandilang nakatirik sa paanan ng imahen ng Mahal na Birheng Maria. Patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong pinagmulan ng apoy at kung may kapabayaan o sinadyang pagsunog na naganap.
Ang Our Lady of the Most Holy Rosary Shrine ay isa sa mga kilalang pilgrimage sites sa rehiyon ng Bicol, at dinarayo ng mga deboto tuwing Oktubre para sa pagdiriwang ng buwan ng Santo Rosaryo. Lubos ang kalungkutan ng mga residente at deboto sa nangyaring insidente, lalo’t itinuturing nilang simbolo ng pananampalataya ang nasabing imahen.
Larawan mula sa Hazard Watch Philippines