Sara, itinangging may kinalaman sa panawagan ni Barzaga na bumaba si Marcos — ‘di ko pakawala si Kiko’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-15 10:07:54
OKTUBRE 15, 2025 — Sa gitna ng mga espekulasyong may kinalaman siya sa panawagan ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang anumang ugnayan sa kongresista.
“Di ko pakawala si Kiko. Isa siyang tao na mahirap kontrolin kahit sinuman. I do not control Kiko Barzaga. He is his own person, he has his own principles and own free will (Hindi ko kinokontrol si Kiko Barzaga. May sarili siyang prinsipyo at malayang kalooban),” pahayag ni Duterte sa isang press conference sa Zamboanga City.
Ayon kay Duterte, huling beses silang nagkita ni Barzaga noong UniTeam rally sa Dasmariñas noong 2022. Aniya, bagamat ang mga magulang ni Barzaga ay sumuporta sa kanya, si Barzaga ay bahagi ng UniTeam.
Nagdaos ng protesta si Barzaga sa Forbes Park kamakailan, kung saan muling nanawagan ng pagbibitiw ni Marcos. Gayunman, iginiit ni Duterte na hindi siya kailanman nanawagan ng resignation.
“I never said Marcos resign,” giit niya.
(Hindi ko kailanman sinabi na mag-resign si Marcos.)
Sa halip, sinabi niyang dapat mag-drug test ang Pangulo at tuparin ang tungkulin nito.
“I’m asking him to do his job,” dagdag ni Duterte.
Pinabulaanan din ng Bise Presidente ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa destabilization, na aniya’y gawa-gawa lamang ng ilang nasa gobyerno.
Samantala, tumanggi siyang magkomento sa pagharap ni dating House Speaker Martin Romualdez sa Independent Commission on Infrastructure (ICI). Sa halip, kinuwestiyon niya ang kredibilidad ng ICI sa imbestigasyon ng mga iregularidad sa flood control projects.
“Ginawa lang kasi ng Pangulo nung tinamaan na siya ng sinabi niya sa speech na ‘Mahiya kayo.’ Nagpalit lang siya ng Speaker and Senate President at binuo ang ICI pero hanggang ngayon wala pa ring nananagot,” ani Duterte.
Hinimok din niya ang pamahalaan na silipin ang iba pang kuwestiyonableng transaksyon gaya ng pagbili ng laptop ng DepEd, konstruksyon ng paaralan, road reblocking, at farm-to-market roads.
Sa parehong okasyon, ipinahayag ni Duterte ang pasasalamat sa Senado sa resolusyong humihiling ng house arrest para sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na aniya’y “old, ailing, and frail.”
(Larawan: YouTube)