Lola, patay matapos bugbugin ng lasing na asawa sa Batangas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 09:25:03
LAUREL, BATANGAS — Patay ang isang lola matapos umanong suntukin, tadyakan, at hatawin ng kahoy ng kanyang sariling asawa sa Barangay San Gabriel, Laurel, Batangas noong Oktubre 13. Sugatan din ang 13 taong gulang na apo ng biktima matapos saktan ng parehong suspek.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsimula ang pagtatalo ng mag-asawa nang kunin ng suspek ang perang nakalaan sana sa baon ng bata para sa linggo. Sa gitna ng alitan, bigla umanong nanakit ang suspek na noo’y lasing. “Maging responsable po tayo palagi,” ani ng isang opisyal na tumugon sa insidente.
Batay sa autopsy report, atake sa puso dulot ng matinding pananakit ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima. Nagnegatibo sa drug test ang suspek, kaya’t ang pagkalulong sa alak ang itinuturong pangunahing salik sa krimen.
Sa presinto, itinanggi ng suspek ang pananakit ngunit kalaunan ay humingi ng tawad sa kanyang asawa at apo. “Hindi ko sukat akalain, hindi ko naman sinasadya. Labis na labis po ang aking pagsisisi. Dahil sa tunay na buhay, ay hindi ko kayang tatayin ang asawa ko. Ako'y patawarin niya,” aniya.
Isang anak ng biktima ang emosyonal na nagbahagi ng kanilang karanasan: “Bata pa lang po ako, nakakaranas na kami ng murahin, paluin. Kahit na mali na po yung tatay namin, talagang ginigit niya pa rin na ang tatay namin ay igalang namin, mahalin namin. Ang magiging lakas ko na lang po ay yung kanyang mga payo sa akin na kailangan magiging matatag. Lagi niyang sinasabi sa amin na magiging mabuting anak.”
Bukod sa kasong parricide, sinampahan rin ng kasong child abuse ang suspek dahil sa pananakit sa menor de edad na apo. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang naka-detain ang suspek sa Laurel Municipal Police Station.