‘Angel’ pala ang salarin! Diwata, nagka-utang ng ₱350K, pekeng warrant dahil sa dating business partner
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 09:24:58
MANILA — Emosyonal na ibinahagi ni Deo Jarito Balbuena, mas kilala bilang “Diwata,” ang kanyang karanasan sa identity theft na nauwi sa maling pagkakaaresto, matapos niyang matukoy ang taong nasa likod ng insidente sa tulong ng Mandaluyong PNP.
Matatandaan na nagsumbong si Diwata sa programang Raffy Tulfo in Action noong Oktubre 10, matapos siyang maaresto dahil sa isang warrant of arrest na nakapangalan sa kanya. Ayon sa kanya, “Nagpiyansa lang po ako kaya ako nakalabas,” matapos makulong sa kasong hindi niya alam.
Sa salaysay ni Patrolman Johary Bogabong, nahuli niya ang limang kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada sa Mandaluyong noong Marso, isang paglabag sa ordinansa ng lungsod. Isa sa mga nahuli ay nagpakita ng TIN ID na may malabong larawan ngunit nakapangalan kay Deo Jarito Balbuena. Nang hindi sumipot ang mga violators sa pagbabayad ng multa, iniakyat ng pulisya ang kaso sa korte, dahilan ng paglalabas ng warrant laban kay Diwata.
Ngayong Oktubre 14, hindi napigilang mapahagulgol si Diwata habang ibinabalita kay Sen. Raffy Tulfo na natukoy na niya ang taong nagnakaw ng kanyang pagkakakilanlan. “Masama ang loob ko, may atraso pa siya sa akin, nagawa pa niyang gamitin ang pangalan ko sa krimen,” aniya.
Kinilala ni Diwata ang suspek bilang si Angelito Carmona Y Clarito o “Angel,” tauhan ng dati niyang business partner na umano’y nang-scam sa kanya. Ayon kay Diwata, noong kasagsagan ng kanyang kainan na “Diwata Pares” sa Pasay, lumapit si Angel upang mag-franchise ng kanyang negosyo sa Quezon City. Dahil si Angel ang nag-asikaso ng business permit, ibinigay ni Diwata ang kanyang TIN ID.
Ngunit hindi lamang hindi nabayaran si Diwata ng royalty at franchise fees, kundi may utang pa umano si Angel sa kanya na ₱350,000. “Hiniram niya ‘yon para sa construction ng QC branch, pero hindi na naibalik,” dagdag ni Diwata.
Nagpasalamat si Diwata kay Patrolman Bogabong sa masusing imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa barangay officials upang matukoy si Angel. Pinuri rin si Bogabong ni Sen. Tulfo sa mabilis na aksyon.
Ayon kay Bogabong, nakapagsampa na siya ng kaso laban kay Angel sa pamemeke ng ID. Nakatakda ring magsampa ng hiwalay na kaso si Diwata kaugnay ng identity theft.
Larawan mula: Raffy Tulfo in Action, Mandaluyong PNP