Nakaparadang SUV sa QC, sinilaban ng rider; pamilya ng may-ari, nangangamba sa kaligtasan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-17 11:56:17
OKTUBRE 17, 2025 — Isang de-motorsiklong lalaki ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad matapos nitong silaban ang isang nakaparadang SUV sa Barangay Maharlika, madaling araw ng Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV bandang 1:30 a.m., makikitang huminto ang suspek sa tapat ng itim na SUV sa Apo Street. Suot ang helmet, bumaba ito, nagpatong ng basahan sa hood ng sasakyan, binuhusan ng likido, at agad sinilaban. Tumakas ito sakay ng motorsiklo habang lumalagablab na ang harapang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa may-ari ng SUV na si Bianca Castañeda, inabot ng 17 minuto bago naapula ng mga bumbero ang apoy.
“Sobrang laki na po ng sunog nung nakita na po namin pero it all happened in just a span of a few minutes talaga. So, sobrang nakakatakot po talaga,” ani Castañeda.
Dagdag pa niya, wala silang nakaalitang sinuman na maaaring may motibo sa krimen.
“Very traumatic po sa bahay. Actually, ngayon po, super takot po kami, like lumabas po ng bahay kasi hindi po namin alam baka mamaya, puwede siyang bumalik o mas worse pa ang gawin,” aniya.
Nagsampa na ng reklamo ang pamilya sa pulisya at Bureau of Fire Protection (BFP). Ayon kay PLt. Col. Jose Luis Aguirre ng La Loma Police Station 1, may sinusundan na silang person of interest.
“Maliwanag po na arson po ito … Sa mga ganitong insidente, eh malamang paghihiganti po (ang motibo),” pahayag ni Aguirre.
Patuloy ang backtracking ng mga pulis sa CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang ginamit nitong motorsiklo. Inaasahan ng QCPD na sa tulong ng mga ebidensiya, mapapanagot ang responsable sa insidente.
(Larawan: YouTube)