‘Panahon na para pakinggan ang panawagang humiwalay ang Mindanao’ — Cong Kiko Barzaga
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-18 00:27:10.jpg)
MANILA — Nagdulot ng matinding reaksyon sa publiko at sa mga lider ng bansa ang pahayag ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, matapos niyang ipahayag ang suporta sa panawagang secession o paghihiwalay ng Mindanao mula sa pambansang pamahalaan.
Sa kanyang pinakahuling video statement, sinabi ni Barzaga na “panahon na para pakinggan ang panawagan ng Mindanao para sa secession,” at binigyang-diin na hindi dapat maliitin ang interes ng mga mamamayan sa nasabing rehiyon. “Ang interes ng mga taga-Mindanao ay hindi natin maaaring balewalain o ituring na mas mababa kaysa sa mga taga-Luzon,” aniya.
Binatikos din ni Barzaga ang administrasyong Marcos sa umano’y pagkiling at paboritismo sa National Capital Region (NCR). Ayon sa kanya, sa nakalipas na tatlong taon ay malinaw ang “pagkiling nito sa mga mayayamang politiko” habang napag-iiwanan ang mga lalawigan sa Mindanao at iba pang rehiyon.
Dagdag ni Barzaga, kaya raw tumayo sa sarili ang Mindanao dahil sa likas nitong yaman at kasipagan ng mga manggagawa. “Ang Mindanao ay kayang maging ganap na malaya at self-sufficient,” giit ng mambabatas.
Bilang kinatawan mula sa Cavite, binanatan din niya ang umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno na aniya’y “napupunta sa mga luho ng mga tiwaling politiko sa NCR,” imbes na sa pagpapaunlad ng mga probinsya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Barzaga na ang panawagan ng Mindanao ay “makatuwirang damdamin laban sa matinding korapsyon ng mayayamang elitista ng NCR.” Hinihikayat din niya ang Kongreso at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na simulan ang talakayan ukol sa posibleng pagbabago sa teritoryo ng bansa upang tugunan ang hinaing ng mga mamamayan. (Larawan: Kiko Barzaga / Facebook Video)