DOJ, ibinasura ang kaso ni Trillanes — Cong. Paolo Duterte, binatikos ang desisyon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-18 00:11:44.jpg)
MANILA — Umigting ang kontrobersiya sa hanay ng pamahalaan matapos ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong libel laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV, na nag-ugat sa reklamong inihain ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte pitong taon na ang nakalilipas.
Sa pahayag ni Cong. Duterte, tinuligsa niya ang naging hakbang ng DOJ at kinuwestyon ang integridad ng sistemang panghustisya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“Ganito na ba ang hitsura ng hustisya ngayon?” ani Duterte. “Pagkatapos ng pitong taon at halos buong paglilitis, bigla na lang binawi ng DOJ ang naunang resolusyon laban kay Trillanes na pirmado pa noon ni dating DOJ Secretary at ngayo’y Ombudsman Boying Remulla. Sakto ang timing, ah.”
Dagdag pa ni Duterte, tila ginagamit na raw ng DOJ ang kapangyarihan nito upang protektahan ang mga kaalyado sa pulitika. “Tila natagpuan na ng DOJ ang tunay nitong tungkulin — hindi na tagapagtanggol ng batas, kundi tagapagtanggol ng mga kaibigan sa pulitika,” ani pa ng kongresista.
Hindi rin pinalampas ni Duterte ang Ombudsman, na aniya’y tila nakikialam na rin sa proseso ng hudikatura. “Mga judge at justices, pwede na kayong mag-resign — kayang-kaya na ng DOJ at ng Ombudsman ang buong batas ng Pilipinas!”
Tinawag din niyang “gantimpala” at hindi “hustisya” ang naging desisyon, na umano’y bunga ng katapatan sa mga ‘tamang’ tao at naratibo.
Hanggang sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang DOJ at ang kampo ni Trillanes hinggil sa mga paratang ni Cong. Duterte. (Larawan: Paolo Duterte, Antonio Trillanes / Facebook)