‘Wag nyo kaming utusan’ — Sec. Recto sa gitna ng budget briefing sa Senado
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-18 00:19:21
MANILA — Umani ng matinding reaksiyon ang naging pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto sa gitna ng budget briefing sa Senado matapos niyang sabihin ang linya: “Pakiusap ko sa inyo, wag nyo kaming utusan.”
Ang pahayag ay ginawa ni Recto bilang tugon sa apela ni Sen. Bong Go, na nananawagan na protektahan ang pondo para sa kalusugan at PhilHealth.
Ayon kay Go, “Kindly spare the health. Para sa health, klaro e. Para sa health ng Pilipino, PhilHealth.”
Ngunit ang sagot ni Recto ay agad umani ng puna — hindi lamang sa mga senador kundi maging sa publiko. Sa social media, umapaw ang mga reaksyon at kritisismo laban sa kalihim, kung saan marami ang nagsabing arrogante at hindi angkop sa isang lingkod-bayan ang ganoong pananalita, lalo na sa harap ng mga halal na opisyal ng bayan.
Maging si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay hindi napigilang magbigay ng komento sa tono ni Recto. “Pasalamat ka sobrang mabait si Sen. Bong Go. Kung ibang senador sinagot mo ng ganyan, baka nagkainitan na kayo. Para ka ring hindi dating senador, Ralph! Masyadong mababa ang tingin mo sa amin,” ani Dela Rosa.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na paliwanag si Recto hinggil sa kanyang naging pahayag. Gayunpaman, patuloy itong pinag-uusapan sa publiko at nagbunsod ng tanong sa ugnayan ng ehekutibo at lehislatura sa usapin ng pambansang badyet at paggugol ng pondo ng bayan. (Larawan: Ralph Recto / Facebook)