Diskurso PH
Translate the website into your language:

Signal No. 2, itinaas sa Bicol! Bagyong Ramil, lumakas pa

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-18 09:14:07 Signal No. 2, itinaas sa Bicol! Bagyong Ramil, lumakas pa

Oktubre 18, 2025 — Pormal nang itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa tatlong lugar sa Bicol Region matapos lumakas si Tropical Depression Ramil at maging isang tropical storm ngayong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA, si Ramil—na may international name na Fengshen—ay namataan 305 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 80 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Itinaas ang Signal No. 2 sa mga sumusunod na lugar:

  • Camarines Norte
  • Catanduanes
  • Hilagang bahagi ng Camarines Sur (kabilang ang Tinambac, Siruma, Goa, San Jose, Lagonoy, Garchitorena, Caramoan, at Presentacion)

Babala ng PAGASA: “Winds greater than 62 kph and up to 88 kph may be expected in at least 24 hours in these areas”. Posibleng magdulot ito ng pinsala sa mga pananim, magaan na estruktura, at ilang bahagi ng imprastruktura.

Inaasahang tatahakin ni Ramil ang direksyong west-northwest patungong Central-Southern Luzon. “On the forecast track, the center of RAMIL may make landfall or pass close to Catanduanes this afternoon or evening,” ayon sa PAGASA. Posible rin itong tumama sa Aurora o Isabela sa Linggo bago tumawid sa kabundukan ng Northern at Central Luzon.

Inaasahang lalabas si Ramil sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga kung hindi magbabago ang galaw nito.