MMDA, tinapyasan ng P7.6B sa flood control projects
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-18 09:14:10
Oktubre 18, 2025 — Nabawasan ng mahigit P7 bilyon ang pondo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga proyektong kontra baha sa ilalim ng panukalang 2026 National Expenditure Program, ayon sa isinagawang pagdinig sa Senado nitong Oktubre 17.
Sa naturang pagdinig, ibinunyag ni Senador JV Ejercito na mula sa P13.576 bilyong kabuuang panukalang badyet ng MMDA, tanging P5.884 bilyon lamang ang inirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM). “MMDA submitted a total proposal of P13.576 billion, but only P5.884 billion was recommended by the DBM… representing a reduction of P7.692 billion or 56.66 percent,” ani Ejercito.
Kabilang sa mga hindi napondohang proyekto ay ang:
- P300 milyong rehabilitasyon ng Manggahan floodwater channel (Phase 2)
- P300 milyong rehabilitasyon ng lower Marikina River (Phase 20)
Ayon kay MMDA Chair Romando Artes, posibleng may kaugnayan ang budget cut sa mga alegasyon ng korapsyon sa mga flood mitigation projects. “Maybe because these are connected to flood control projects, your honor,” sagot ni Artes sa tanong ni Ejercito kung bakit hindi pinondohan ng DBM ang mga proyekto.
Samantala, sa mas malawak na konteksto, tinanggal din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P16.7 bilyong halaga ng flood control projects sa 2025 national budget, kabilang ang mga alokasyon para sa mga istrukturang pangbaha sa mga pangunahing ilog at drainage systems.