‘Bakit mo ako sinisiraan?’ — Claire Castro kay VP Sara
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-18 00:35:34.jpg)
MANILA — Umigting ang tensyon sa pagitan ng Malacañang at Office of the Vice President matapos batikusin ni Vice President Sara Duterte si Palace Press Officer Claire Castro kaugnay ng ulat na isa umano ito sa mga tinitingnang papalit kay Ombudsman Boying Remulla bilang Justice Secretary.
Sa isang panayam, tinanong ni VP Sara kung ano umano ang naging kontribusyon ni Castro sa legal at judicial system upang maisama sa nasabing posisyon. “Hindi ko alam kung ano ang nagawa niya [Castro] para sa legal and judicial system para siya ay maupo bilang Department of Justice Secretary,” ani Duterte. “Ang masasabi ko lang ay hindi siya magaling na tagapagsalita ng Office of the President, because she brings embarrassment to the country.”
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, dapat aniya ay mataas ang pamantayan sa tagapagsalita ng Pangulo, dahil ito ang “mukha ng bansa sa harap ng mundo.”
Hindi naman pinalampas ni Claire Castro ang mga pahayag ni Duterte. Sa isang maanghang na tugon, sinabi niya: “Kung hindi niya ako kilala, dapat hindi siya nagsasalita against me. Saka worried ba siya na kung ako man ang magiging SOJ, ano bang kinakatakot niya? Bakit gano’n ang paninira niya sa akin?”
Giit pa ni Castro, tila naaapektuhan lamang si VP Sara sa kanyang mga pahayag bilang opisyal ng Palasyo dahil “bumabalik sa kanya ang lahat ng banat laban kay Pangulong Marcos Jr.”
Nilinaw rin ni Castro na wala siyang ambisyon na maging kalihim ng DOJ, at ani niya, “Wala siyang dapat ikatakot dahil wala akong ambisyon na maging DOJ Secretary.”
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon ang Office of the Vice President hinggil sa sagot ni Castro, ngunit patuloy na pinag-uusapan sa social media ang palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ng dalawang opisyal. (Larawan: Facebook)