Tingnan: Kamangha-manghang mga ‘light pillars’, nasilayan sa Madridejos, Cebu
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-17 23:20:54
MADRIDEJOS, CEBU — Isang kamangha-manghang tanawin ang nasilayan ng mga residente ng Barangay Kangwayan, Madridejos, Cebu nitong Biyernes ng gabi matapos lumitaw sa kalangitan ang mga makukulay na patayong sinag ng liwanag na kilala bilang light pillars, bandang alas-7:20 ng gabi.
Ayon sa mga nakasaksi, tila mga haliging liwanag mula sa langit ang nasabing tanawin, na wari’y eksena sa isang pelikulang siyensiya o pantasya. Marami sa mga residente ang agad kumuha ng larawan at video, na mabilis na kumalat sa social media at umani ng libo-libong reaksyon at komento mula sa mga netizen.
Paliwanag ng mga eksperto, ang light pillars ay optical phenomenon na nagaganap kapag sumasalamin ang liwanag mula sa mga maliliit na ice crystals sa mataas na bahagi ng himpapawid. Karaniwan itong nakikita sa mga bansang may malamig na klima, kaya’t itinuturing na pambihirang pangyayari ang paglitaw nito sa mga tropikal na lugar tulad ng Cebu at Bantayan Island.
Bagaman wala itong kinalaman sa anumang panganib o bagyo, hinimok ng mga lokal na awtoridad ang publiko na maging maingat pa rin sa gabi at iwasang lumabas kung malakas ang hangin o ulan.
Para naman sa mga residente ng Madridejos, mananatiling hindi malilimutan ang gabing iyon—isang sulyap sa kagandahan ng kalikasan na nagbigay ng pagkamangha, pagkamangha, at pagkamulat sa hiwaga ng ating mundo. (Larawan: Edison Gee Rosell via SugboPH / Facebook)