Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Pre-emptive evacuation, isinagawa sa Pio Duran, Albay bilang paghahanda sa bagyong Ramil

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-17 23:10:48 Tingnan: Pre-emptive evacuation, isinagawa sa Pio Duran, Albay bilang paghahanda sa bagyong Ramil

ALBAY — Bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ramil, nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang mga otoridad sa Barangay Banawan, bayan ng Pio Duran, upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Pio Duran (LGU) ang operasyon katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mga opisyal ng barangay, at mga volunteer responders. Layunin ng maagang paglikas na maiwasan ang anumang insidente ng pagkasawi o pinsala, lalo na sa mga lugar na itinuturing na high-risk sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Ayon sa MDRRMO, tinatayang dose-dosenang pamilya na nakatira malapit sa dalampasigan at ilog ang unang inilikas patungo sa mga itinakdang evacuation centers, kung saan nakahanda na ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tubig, at medisina.

Patuloy din ang monitoring at koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at sa Office of Civil Defense (OCD) para sa mabilis na pagtugon sakaling lumala ang lagay ng panahon.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga residente na manatiling alerto at huwag balewalain ang mga abiso mula sa LGU at sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). (Larawan: Banawan, Pio Duran / Facebook)