Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: San Pablo City Agri Office, nagsagawa ng seminar para palakasin ang industriya ng niyog

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-17 23:47:31 Tingnan: San Pablo City Agri Office, nagsagawa ng seminar para palakasin ang industriya ng niyog

SAN PABLO CITY, LAGUNA — Patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng San Pablo City na palakasin ang sektor ng agrikultura matapos magsagawa ang City Agriculturist Office – Farmer’s Information and Technology Services (FITS) Center ng “Seminar on Coconut Production and Management” noong Oktubre 8–9, 2025 sa Convention Center, Barangay San Jose.

Pinangunahan nina Executive Assistant for Agriculture Pepito D. Bonilla at City Agriculturist Abegail F. Agnes ang dalawang araw na aktibidad, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA). Layunin ng programa na mapalawak ang kaalaman ng mga coconut farmers mula sa iba’t ibang barangay hinggil sa tamang pagtatanim, pangangalaga, at pamamahala ng niyugan alinsunod sa mga itinakdang pamantayan ng PCA.

Tinalakay sa seminar ang mga paksang tulad ng Coconut Industry Status, Coconut Physiology at Growth Stages, Varieties and Seednut Selection, Integrated Pest Management, Fertilization, Farm Management and Maintenance, Establishment of Coconut Nursery, at Lay-outing and Fertilization.

Ilan sa mga naging resource persons mula sa PCA ay sina Magsasaka Siyentista Estelito M. Reyes, Pollen Processors Kennedy N. Mangala at Jomar G. Abana, at mga Agriculturists II na sina Lovely A. Labor, Ruel P. De Villa, Riza L. Manalo, Rose Ann O. Alejandro, Charlon L. Pabon, at Project Development Officer I Laime Jane U. Guevarra.

Ayon kay Mayor Arcadio “Najie” B. Gapangada Jr., malaking tulong ang mga ganitong pagsasanay upang mapalakas ang industriya ng niyog sa lungsod at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka. Dagdag pa niya, patuloy na maglulunsad ang pamahalaang lungsod ng mga programang magsusulong ng makabagong kaalaman at teknolohiya para sa mga lokal na magbubukid. (Larawan: Fits Center San Pablo City / Facebook)