Tingnan: Sorsogon, opisyal nang ‘Guinness World Record’ holder — Pinakamalaking nut brittle o ‘pili kunserba’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-17 22:47:24
SORSOGON — Opisyal nang nakapagtala ng Guinness World Record ang lalawigan ng Sorsogon para sa “Largest Nut Brittle/Praline” o mas kilala sa lokal na tawag na Pili Kunserba, na may kabuuang sukat na 144.16 square meters.
Ang makasaysayang pagkilalang ito ay naganap ngayong araw sa Sorsogon, sa gitna ng masiglang selebrasyon ng kultura at produktong lokal ng lalawigan. Ayon sa Guinness World Records, matagumpay na nasunod ng mga Sorsoganon ang lahat ng pamantayan upang maideklarang pinakamalaki sa buong mundo ang naturang nut brittle.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, sa pamumuno ni Governor Edwin Hamor, ang naturang proyekto bilang bahagi ng layuning ipakilala sa mundo ang pili nut — ang pangunahing produkto ng lalawigan na nagbibigay ng kabuhayan sa libo-libong Sorsoganon.
Sa pamamagitan ng tagumpay na ito, pinagtibay ng Sorsogon ang kanilang bansag bilang “Pili Capital of the World.” Ipinakita rin ng mga mamamayan ang diwa ng pagkakaisa at malasakit sa lokal na industriya sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga eksperto, tagapagluto, at volunteers upang maisagawa ang higanteng “Pili Kunserba.”
Hindi lang tayo gumawa ng kasaysayan ngayon — ipinakita natin sa mundo ang galing at puso ng mga Sorsoganon.
Ang Guinness World Record na ito ay nagsilbing simbolo ng pagyabong ng lokal na industriya ng pili at patunay ng pagkamalikhain at sipag ng mga taga-Sorsogon.
(Larawan: Sorsogon PIO / Facebook)