Diskurso PH
Translate the website into your language:

Van, inararo ang 14 na motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City — 1 patay, 3 sugatan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-17 23:00:55 Van, inararo ang 14 na motorsiklo sa Commonwealth Avenue, Quezon City — 1 patay, 3 sugatan

QUEZON CITY — Isa ang nasawi habang tatlo pa ang sugatan matapos salpukin ng isang UV Express van ang 14 na motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga, ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD).

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang driver ng van habang binabaybay ang northbound lane ng Commonwealth Avenue, sa tapat mismo ng Commission on Human Rights (CHR). Sa pagkawala ng kontrol, sumalpok ang sasakyan sa grupo ng mga motorcycle riders at patuloy pang umarangkada.

Pagkaraan nito, nag-U-turn umano ang van sa Tandang Sora Avenue, kung saan muling sumalpok sa ilang sasakyan at nakasagasa ng apat na indibidwal. Isa sa mga biktima ang kalaunang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas, ayon sa QCPD Public Information Office.

Kinumpirma ni Maj. Jennifer Gannaban, hepe ng QCPD Public Information Office, na inaresto na ng Traffic Sector 5 ang naturang driver, bagaman hindi pa ito pinangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Ang kaso ay kasalukuyang iniimbestigahan ng QCPD Traffic Enforcement Unit upang matukoy ang ugat ng insidente at maisampa ang nararapat na kaso laban sa driver,” pahayag ng pulisya.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na kilala bilang isa sa mga pinakamalapad at pinakaabala sa trapikong lansangan sa bansa. (Larawan: Google)