Romualdez, di muna haharap sa ICI — may medical procedure umano
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-18 20:32:37
MANILA — Humiling si dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ipagpaliban ang nakatakdang pagdinig sa Oktubre 22, 2025, dahil sa isang medical procedure na kailangang isagawa sa kanya.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Sabado, kinumpirma ng ICI ang kahilingan ni Romualdez. “Congressman Ferdinand Martin Romualdez has requested to postpone the hearing originally set for Oct. 22, 2025, as he is scheduled to undergo a medical procedure,” ayon sa advisory ng komisyon.
Dagdag pa ng ICI, “The Commission will issue an advisory once a date for the next hearing has been determined,” bilang tugon sa pagbabago ng iskedyul ng pagdinig.
Si Romualdez ay isa sa mga iniimbestigahan kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects ng pamahalaan. Bilang tugon sa mga alegasyon, boluntaryo siyang bumaba sa puwesto bilang Speaker ng Kamara upang bigyang daan ang mas malalim na imbestigasyon ng ICI, isang independent body na binuo sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang siyasatin ang mga infrastructure project ng gobyerno.
Unang dumalo si Romualdez sa isang closed-door hearing ng ICI noong Oktubre 14, kung saan ipinahayag niyang nais niyang maipaliwanag ang kanyang panig. Ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, sa kanyang affidavit ay hindi umano nagbanggit si Romualdez ng mga personalidad na sangkot sa umano’y korapsyon, ngunit may binanggit siyang ilang mambabatas na posibleng may kaugnayan sa isyu.
Ang ICI ay kasalukuyang nagsasagawa ng serye ng mga pagdinig upang tukuyin ang mga posibleng anomalya sa flood control projects, kabilang ang mga kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya na una nang isinailalim sa Senate custody.
Sa kabila ng pagpapaliban, inaasahang maglalabas ang ICI ng bagong iskedyul para sa susunod na pagharap ni Romualdez sa komisyon.