Senior citizen na magnanakaw sa vape shop, tiklo matapos maipit sa roll-up door
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-18 20:32:39
QUEZON CITY — Walang kawala ang isang 61-anyos na lalaki matapos siyang mahuling nanloloob sa isang vape shop sa Barangay Sauyo, Quezon City, matapos mapanood ng may-ari ang aktwal na insidente sa CCTV at agad na tumawag ng pulis.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, bandang madaling araw ng Oktubre 8 nang pasukin ng suspek ang tindahan sa kahabaan ng Quirino Highway. Sa CCTV footage, makikitang gumapang ang lalaki papasok sa ilalim ng roll-up door ng shop. Pagkapasok, binuksan niya ang ilang cabinet at kinuha ang mga vape product at pera na inilagay niya sa kanyang backpack.
Habang isinasagawa ang pagnanakaw, napansin ng may-ari ng tindahan ang aktibidad sa live CCTV feed at agad na humingi ng tulong sa mga pulis mula sa Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU). Nang tangkain ng suspek na lumabas muli sa ilalim ng pinto, bigla itong bumagsak at naipit siya sa loob ng tindahan. Dito na siya inabutan ng mga pulis at inaresto.
Ayon kay PLt. Col. Von Alejandrino ng Talipapa Police Station 3, narekober mula sa suspek ang ₱3,000 cash at ilang vape items. Inamin ng lalaki ang krimen at sinabing nagawa niya ito dahil sa matinding pangangailangan at pagkakasakit ng kanyang anak.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong robbery.