Diskurso PH
Translate the website into your language:

First Lady Liza Marcos, deadma sa umano’y koneksyon kay Ngu — Santander, parang pinabili lang daw ng suka

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-22 18:13:55 First Lady Liza Marcos, deadma sa umano’y koneksyon kay Ngu — Santander, parang pinabili lang daw ng suka

OKTUBRE 22, 2025 — Hindi pinansin ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos ang panawagan ng isang pribadong mamamayan na imbestigahan ang umano’y koneksyon niya sa dating Special Envoy to China for Trade Maynard Ngu, na nasangkot sa kontrobersyal na flood control projects.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi bibigyang pansin ng Unang Ginang ang “letter of sentiment” na isinumite ni John Santander sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

“Ang unang-una, ang sabi po ng First Lady ay hindi po niya ito bibigyan ng anumang pansin dahil ito ay hearsay evidence. Alam po natin na ang First Lady ay abogado rin,” pahayag ni Castro. 

Ayon kay Castro, walang direktang ebidensiyang nakasaad sa sulat ni Santander na mag-uugnay kay Araneta-Marcos sa mga iregularidad sa flood control projects. Maging ang mga kalakip na dokumento ay hindi umano nagpapakita ng anumang konkretong koneksyon.

“...mismo ang mga attachments ay walang nag-uugnay at walang naipakitang anumang ebidensiya na magsasabing mayroong anomalyang flood control projects na pinasok ang Unang Ginang,” giit ni Castro. 

Binansagan pa ni Castro si Santander na parang “nuisance candidate” na tila pinabili lang ng suka at isinabay ang pagsumite ng liham sa ICI.

“Para siyang isang nuisance candidate, na parang binigyan ng pera para bumili ng suka at isinabay ang pagbibigay ng letter of sentiment para dalhin sa ICI,” aniya. 

Sa kanyang liham, iginiit ni Santander na dapat imbestigahan ng ICI ang posibleng ugnayan ng First Lady kay Ngu, na matagal nang nadadawit sa mga anomalya sa flood control projects. Sinabi rin niya na maaaring nakinabang si Araneta-Marcos sa mga proyekto ni Ngu.

Ngunit ayon sa Malacañang, kung walang personal na kaalaman si Santander sa mga akusasyon, hindi ito dapat seryosohin.

“Dahil kung walang personal knowledge, ito ay magsisilbing hearsay evidence. Kung hearsay evidence, ito po ba dapat ay binibigyan pa ng pagtutuon at seryosong konsiderasyon?” tanong ni Castro. 

Nilinaw rin ng Palasyo na tapos na ang termino ni Ngu bilang special envoy noong Agosto 2025. Hindi na ito ni-renew.

“Nag-expire po kasi ang term niya, tapos na po. Six months lamang po iyon, so hindi naman po ni-renew,” sabi ni Castro. 

Bagama’t bukas ang ICI sa pagtanggap ng mga leads para sa imbestigasyon, iginiit ng Palasyo na dapat may sapat na ebidensiya ang mga ito.

“Pwede nating i-encourage pag sila ay kumpleto ng ebidensya. Kung mayroong patutunguhan, vetted,” ani Castro. 

Dagdag pa niya, hindi dapat gamitin ang ICI para sa mga walang basehang akusasyon.

“Wag na po silang magdagdag kung ang balak lamang nila ay isang fishing expedition,” babala ni Castro. 

(Larawan: Philippine News Agency)