‘One RFID, All Tollways,’ inilunsad na para sa dagdag ginhawa ng mga motorista
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-22 12:36:54
OKTUBRE 22, 2025 — Inilunsad na ng Department of Transportation (DOTr) ang “One RFID, All Tollways” system — isang bagong opsyon para sa mga motorista sa Luzon na layong gawing mas mabilis at mas magaan ang pagdaan sa mga expressway.
Sa ilalim ng programang ito, puwedeng pumili ang motorista kung alin sa dalawang RFID provider — AutoSweep o EasyTrip — ang nais nilang gamitin. Kapag nakapili na, kailangang tanggalin ang kabilang sticker sa mga service center. Ang natitirang balanse sa dating account ay puwedeng i-refund o ilipat, basta’t walang utang.
Hindi ito sapilitan.
“Pero ang importante dito, ay ito ay isang option. Kung masaya kayo sa inyong current setup that you maintain two RFIDs — pupuwede pa rin po. Pero kung gusto niyong subukan itong One RFID, All Tollways — puwede rin po,” ani Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez.
Matapos ang walong taong paghahanda, posible na ang paggamit ng iisang RFID sticker sa lahat ng toll expressway sa Luzon — kabilang ang NLEX, SLEX, TPLEX, SCTEX, Skyway, STAR Tollway, CALAX, CAVITEX, NAIAx, MCX, C5 Southlink, at NLEX Connector.
Sa paglulunsad ng programa sa Laguna, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang benepisyo ng mas maayos na biyahe.
“We aim to have a seamless travel from north to south of Luzon. Reduce unnecessary stress. Reduce unnecessary delays,” aniya.
(Nais naming gawing tuloy-tuloy ang biyahe mula hilaga hanggang timog ng Luzon. Bawasan ang abala. Bawasan ang pagkaantala.)
Ayon kay Lopez, ang bagong RFID sticker ay ikakabit na sa loob ng windshield, hindi na sa headlight, para mas protektado at mas madaling mabasa ng sensor.
“Usually, kaya naantala minsan o 'di nababasa ng sistema ay luma na ang stickers,” paliwanag niya.
Maaaring magrehistro online o sa mga designated toll stations. Paalala ng DOTr: hindi lahat ng account ay kwalipikado — ang may negatibong balanse ay hindi makakasali.
Bagamat hindi obligado, inaasahang dadami ang motorista na lilipat sa bagong sistema dahil sa ginhawang dulot nito.
(Larawan: @dotrphilippines | Instagram)