Third alarm fire tumupok sa DPWH offices sa Quezon City
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-22 14:43:09
QUEZON CITY — Nasunog ang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Research and Standards sa Diliman, Quezon City nitong Oktubre 22, 2025, ayon sa ulat ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Itinaas sa third alarm ang sunog bandang 12:58 p.m., na nangangahulugang hindi bababa sa 12 fire trucks ang kinakailangang tumugon sa insidente. Tinatayang anim hanggang pitong gusali ang naapektuhan ng sunog, batay sa paunang ulat ng MMDA. Patuloy ang clearing operations ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang maapula ang apoy at matukoy ang sanhi ng sunog.
Ang insidente ay naganap sa gitna ng masinsinang imbestigasyon ng DPWH, Office of the Ombudsman, at Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects. Noong Setyembre 11, 2025, nagsampa ng kaso ang DPWH laban sa 20 government engineers at 4 private contractors dahil sa umano’y ghost at substandard flood control projects.
Kinumpirma rin ng ICI na nakakuha na sila ng ebidensya laban sa mga sangkot. Ayon kay ICI special adviser Benjamin Magalong, “Meron na,” patungkol sa mga dokumentong hawak ng komisyon.
Noong Oktubre 15, 2025, lumagda ang DPWH at Insurance Commission ng kasunduan upang mapabilis ang pag-claim ng performance at surety bonds mula sa mga kontratang may anomalya. “Because of this agreement [with the IC], the claiming of these bonds will be easier and faster,” ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag kung may nasunog na dokumento kaugnay ng flood control cases, ang lokasyon ng sunog ay nagdudulot ng pangamba sa publiko ukol sa posibleng pagkawala ng ebidensya. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng pinsala at kung may kaugnayan ito sa mga kasalukuyang kaso ng korapsyon.
Photos courtesy of Brgy. Tandang Sora Fire Brigade / Fire and Rescue Alert Responders