ICI, hinimok na imbestigahan ang ugnayan nila Liza Marcos, Maynard Ngu
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-22 17:10:51
OKTUBRE 22, 2025 — Isang pribadong mamamayan ang nanawagan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na imbestigahan ang umano’y koneksyon ni First Lady Liza Araneta-Marcos at negosyanteng si Maynard Ngu sa kontrobersyal na flood control fund mess.
Personal na inabot ni John Santander, isang cultural at peace advocate, ang isang liham na tinawag na “letter of sentiment” sa tanggapan ng ICI nitong Martes, kung saan iginiit niyang dapat siyasatin ng komisyon ang posibleng papel nina Marcos at Ngu sa mga iregularidad sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Ayon kay Santander, may mga larawan siyang kalakip sa liham na nagpapakitang magkasama sina Marcos at Ngu sa ilang pampublikong okasyon — kabilang ang isang event ng Cherry Mobile, ang kumpanyang pag-aari ni Ngu, at sa isang salu-salo sa Cork Wine Bar, na sinasabing pagmamay-ari rin ng negosyante.
“We are not pro-Marcos. We are not DDS, and we are not Kakampink. This is our own perspective as a part or as individuals living in our country,” ani Santander.
(Hindi kami maka-Marcos. Hindi kami DDS, at hindi rin kami Kakampink. Sarili naming pananaw ito bilang mga mamamayang naninirahan sa bansa.)
Binanggit din niya ang ulat na si Ngu umano ang nagrekomenda kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo para sa mas mataas na posisyon sa ahensya, batay sa listahang umano’y galing kay Marcos at ibinigay kay dating Executive Secretary Vic Rodriguez bago pa ito manungkulan.
Si Bernardo ang nagbunyag sa Senado na siya ay nagbigay ng P160 milyon bilang kickback sa pamamagitan ni Ngu, na iniuugnay naman kay Senador Francis “Chiz” Escudero.
Matapos ang testimonya ni Bernardo, nagbitiw si Ngu bilang independent director ng Altus Property Ventures Inc., isang kumpanyang nakabase sa Ilocos Norte. Idinahilan niya ang “personal reasons” sa kanyang pagbibitiw.
Sa kanyang liham, iginiit din ni Santander na may “history of friendship” sina Marcos at Ngu, at binanggit ang fundraiser na ginanap sa bar ni Ngu noong Marso 2022 para sa kandidatura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Aniya, si Liza Araneta-Marcos ang itinuturing na utak ng kampanya ng kanyang asawa.
“During the 2022 Elections, Liza Araneta-Marcos was widely described as her husband’s campaign strategist and the brains behind everything. It would be impossible that Maynard Ngu’s fundraiser for Marcos Jr. was not coursed through and/or permitted by the First Lady Liza Araneta-Marcos,” saad sa liham.
(Sa halalan noong 2022, si Liza Araneta-Marcos ay malawak na kinilalang campaign strategist ng kanyang asawa. Imposibleng hindi niya alam o pinayagan ang fundraiser ni Maynard Ngu para kay Marcos Jr.)
Kinumpirma ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka na natanggap nila ang liham at kanilang rerepasuhin ito.
“We will carefully look into that because we want to make sure the commission is not being used for any political agenda,” aniya.
(Masususing pag-aaralan namin ito dahil nais naming tiyakin na hindi ginagamit ang komisyon para sa anumang layuning pampulitika.)
Dagdag pa ni Hosaka, kung may sapat na batayan, maaaring ipatawag ng komisyon sina Ngu at Marcos para sa imbestigasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)