Diskurso PH
Translate the website into your language:

2 security guard ng BIR natagpuang brutal na pinaslang sa loob ng opisina

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-05 08:20:58 2 security guard ng BIR natagpuang brutal na pinaslang sa loob ng opisina

IPIL, Zamboanga Sibugay — Dalawang security guard ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang natagpuang patay na may tama ng bala sa loob ng opisina ng ahensya sa Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng umaga, Nobyembre 4.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima bilang sina Jamie Dante, 52 taong gulang, residente ng Naga, at Arkhads Muharral, 41 taong gulang, residente ng Tungawan, parehong mula sa Zamboanga Sibugay. Ayon kay Police Major Pocholo Rolando Guerrero, acting chief ng Ipil Police, natagpuan ang mga bangkay sa receiving area ng BIR office bandang 6:00 a.m. ng utility worker na papasok sa trabaho.

Batay sa imbestigasyon, si Dante ay nagtamo ng limang tama ng bala sa mukha, baba, at dibdib, habang si Muharral naman ay may apat na tama ng bala, kabilang ang isa sa ulo. “Nung naabutan po ng personnel ng BIR, patay na yung dalawa, medyo dry na ang dugo,” ayon kay Lt. Gina Magnaye, tagapagsalita ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office.

Wala pang malinaw na motibo sa krimen, ngunit iniimbestigahan ng pulisya kung may nawalang dokumento sa opisina matapos mapansin ang mga nakabukas na drawer at cabinet. Hindi rin tiyak kung armado ang mga biktima, dahil walang nakitang baril sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa posibleng suspek habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.