Bomb threat tumama sa UP campuses; email sender nagbanta ng pagsabog
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 16:19:30
MANILA — Nabulabog ang mga campus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman at Manila nitong Huwebes matapos makatanggap ng bomb threat mula sa hindi pa nakikilalang sender.
Agad na isinagawa ang evacuation ng mga estudyante, faculty, at staff habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
Sa UP Manila, isang programmer mula sa Philippine General Hospital ang nakatanggap ng email bandang 9:00 ng umaga mula sa address na “t******.niyo12345@gmail.com.”
Ayon sa mensahe, “Ang lugar na ito ay pugad ng NPA sa Maynila. Aksaya sa pondo ng bayan. Mga batang puro ngawa ang ambag sa lipunan. Pinapaaral ngayon para lang maging traydor sa gobyerno kinabukasan!”
Dagdag pa rito, “Ngayong araw sasabog...ang mensahe ng mga tunay na Pilipino. Walang lugar sa bayang ito ang terorista!!! Dapat pinupuksa ang terorismo!!!”
Agad na naglabas ng abiso ang Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) ng UP Manila, at inatasan ang mga nasa Calderon Hall at National Teacher Training Center for the Health Professions na lumikas. Inirekomenda sa mga evacuees na pansamantalang tumungo sa Paco Park para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na nakatanggap din ng bomb threat ang UP Diliman noong Miyerkules. Isinagawa rin ang paneling sa campus at idineklara itong ligtas mula sa anumang improvised explosive device (IED).
Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) at iba pang kaugnay na ahensya upang matukoy ang pinagmulan ng banta. Wala pang opisyal na ulat kung may natagpuang pampasabog sa mga nasabing lugar.
Nanawagan ang pamunuan ng UP sa publiko na manatiling kalmado at makiisa sa mga hakbang pangkaligtasan. Sa kabila ng insidente, nananatiling bukas ang mga linya ng komunikasyon ng unibersidad para sa mga katanungan at alalahanin ng komunidad.
