CHED, DepEd, PRC maglulunsad ng online registry kontra pekeng diploma
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-13 16:41:45
NOBYEMBRE 13, 2025 — Sa gitna ng lumalalang usapin tungkol sa mga diploma mill at kuwestiyonableng graduate programs, nagsanib-puwersa ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), at Professional Regulation Commission (PRC) upang magpatupad ng bagong mekanismo para sa mas mahigpit na pagbabantay sa kalidad ng teacher education.
Noong Nobyembre 12, inilabas ng tatlong ahensya ang isang joint advisory na nagtatakda ng pagbuo ng Online National Registry (ONR) para sa lahat ng teacher education programs sa bansa. Ang dokumento ay nilagdaan nina CHED Chairperson Dr. Shirley C. Agrupis, DepEd Secretary Sonny Angara, at PRC Chairperson Charito A. Zamora.
Ayon sa advisory, lahat ng undergraduate at graduate programs sa edukasyon ay sasailalim sa masusing pagsusuri mula Disyembre 2025 hanggang Marso 2028. Ang proseso ay gagabayan ng pamantayang binuo kasama ang Teacher Education Council (TEC) upang matiyak na sumusunod ang mga institusyon sa pambansang benchmark.
Ang resulta ng mga review ay ipapasa sa PRC at DepEd para sa kaukulang aksyon, kabilang ang epekto sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) at mga proseso ng promosyon sa ilalim ng DepEd Order No. 24, s. 2025.
Sa ilalim ng patakaran, malinaw na sakop ng CHED ang State Universities and Colleges (SUCs) sa pagbibigay ng Certificates of Program Compliance (COPCs) at sa pagsasagawa ng quality assurance. Para naman sa mga pribadong pamantasan, extension classes, distance learning, at branch campuses, kinakailangan ang Government Recognition (GR) bago makapag-alok ng anumang programa.
Kasama rin sa regulasyon ang Local Universities and Colleges (LUCs) na dapat kumuha ng awtorisasyon mula sa CHED at sumailalim sa regular na ebalwasyon.
Iginiit ng CHED na patuloy nitong kikilalanin ang mga permit at recognition na ibinigay nang may mabuting layunin, maliban na lamang kung ito ay babawiin dahil sa paglabag.
Ang ONR naman ay magiging bukas sa publiko sa pamamagitan ng mga opisyal na website ng CHED, DepEd, at PRC. Makikita rito ang impormasyon tungkol sa bisa ng institutional recognition, listahan ng accredited programs, Centers of Excellence, at datos ng BLEPT gaya ng bilang ng mga kumuha at passing rate.
Nagbabala ang mga ahensya na ang mga diploma mula sa hindi kinikilalang programa o institusyon ay hindi kikilalanin para sa akademiko, legal, o propesyonal na gamit.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng tatlong ahensya: “The aim of this Joint Advisory is to properly guide and caution students, parents, teachers, and employers against fraudulent academic institutions.”
(Layunin ng Joint Advisory na ito na gabayan at bigyan ng babala ang mga estudyante, magulang, guro, at employer laban sa mga mapanlinlang na institusyong pang-akademiko.)
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na reporma upang itaas ang kalidad ng mga guro at palakasin ang pananagutan ng mga higher education institutions.
Sa huli, muling iginiit ng CHED, DepEd, at PRC ang kanilang layunin na tiyakin na ang bawat Pilipinong guro ay dumaan sa lehitimo, mataas na kalidad, at maayos na reguladong programa.
“All HEIs, students, parents, and the general public are enjoined to be strictly guided by this advisory,” ayon sa kanilang pahayag.
(Ang lahat ng HEIs, estudyante, magulang, at publiko ay mahigpit na pinapayuhang sundin ang advisory na ito.)
Ang bagong Online National Registry ay magsisilbing sandata laban sa pekeng diploma at kuwestiyonableng kurso, habang pinatitibay ang integridad ng propesyon ng pagtuturo sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” na agenda para sa katapatan at kahusayan sa serbisyo publiko.
(Larawan: Commission on Higher Education(CHED) | Facebook)
