Bato, napadasal matapos mabalitaan ang ICC warrant laban sa kanya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 16:19:29
MANILA — Sa gitna ng mga ulat na may inilabas na arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC), piniling manahimik ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at humugot ng lakas sa pananampalataya, ayon sa mga post niya sa social media.
Sa dalawang magkasunod na Facebook post noong Nobyembre 13, ibinahagi ni Dela Rosa ang kanyang paglapit sa pananampalataya. Sa unang post, makikita siyang may hawak na imahe ng Santo Niño. Nilagyan niya ito ng caption na: “My patron saint, my kabirthday always in January. Viva Pit Señor Santo Niño!”
Sa ikalawang post, ibinahagi niya ang kanyang unang personal na pagkikita kay Father Cianno Ubod ng Compostela Parish Church sa Cebu. Aniya, “Times like these, we need to seek some guidance from our spiritual adviser. Thank you Father Ciano.”
Hindi malinaw kung nananatili pa rin sa Cebu si Dela Rosa, ngunit isang linggo bago ang mga post ay nagbahagi siya ng mga video habang tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo sa nasabing lalawigan.
Samantala, nananatiling hindi kumpirmado ang ulat ukol sa umano’y arrest warrant mula sa ICC. Ayon kay ICC spokesperson Fadi El Abdallah, “No, the ICC can’t confirm such news.” Dagdag pa niya, “ICC news can be found only on ICC official communications channels and press releases, where you could see that only one case to date has been opened, against Mr Duterte.”
Ang nasabing ulat ay unang lumutang matapos ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa isang panayam sa DZRH noong Nobyembre 8, kung saan binanggit niyang may warrant na umano laban kay Dela Rosa. Gayunman, wala pang opisyal na dokumento mula sa ICC na nagpapatunay nito.
Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyong Duterte at pangunahing tagapagpatupad ng kontrobersyal na kampanya kontra droga. Sa kasalukuyan, hindi pa siya nagbibigay ng personal na pahayag ukol sa isyu.
Sa kabila ng mga haka-haka, nananatiling tahimik ang kampo ni Dela Rosa at tila mas pinipiling ituon ang pansin sa kanyang espiritwal na buhay habang hinihintay ang linaw mula sa mga opisyal na ahensya.
Larawan mula kay Sen. Ronald Bato Dela Rosa
