Diskurso PH
Translate the website into your language:

Gov. Albano, umamin! Pagtatalaga sa asawa bilang envoy sa Japan, request pala kay Marcos

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-13 17:17:08 Gov. Albano, umamin! Pagtatalaga sa asawa bilang envoy sa Japan, request pala kay Marcos

NOBYEMBRE 13, 2025 — Inamin ni Isabela Governor Rodolfo Albano III na siya mismo ang nag-request kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na italaga ang kanyang asawa, si Mylene Garcia-Albano, bilang embahador ng Pilipinas sa Japan. Ang pahayag ay lumabas sa gitna ng batikos sa kanya dahil sa mga biyahe sa ibang bansa habang tumatama ang malalakas na bagyo sa kanyang probinsya.

Sa panayam, sinabi ni Albano na ang appointment ng kanyang asawa ay may malinaw na layunin: makakuha ng tulong mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pag-aaral sa Cagayan River Basin.

“Tama, nakakalamang nga kami sa Isabela. Yun nga ang hiningi ko sa presidente pag-upo niya. Kasi dahil gusto ko makuha yung mga JICA studies para sa Cagayan (River Basin),” aniya. 

Dagdag pa niya: “May selfish motive ako nung pina-appoint ko yung asawa ko as ambassador sa Japan para lang makatulong dun sa region namin, Cagayan Region. Kasi kami lagi yung binabaha, kami lagi yung binabagyo.” 

Noong Agosto 12, 2022, itinalaga ni Marcos si Mylene Garcia-Albano bilang kauna-unahang babaeng embahador ng Pilipinas sa Japan. Kinumpirma ng Commission on Appointments ang posisyon noong Setyembre 22, 2022. Bago ito, nagsilbi si Mylene bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Davao City mula 2010 hanggang 2019, at humawak ng iba’t ibang posisyon sa Kongreso at sa Department of Environment and Natural Resources.

Sa kabila ng paliwanag ni Albano, umani siya ng matinding batikos dahil sa kanyang pag-alis patungong Germany para sa agricultural trip habang nananalasa ang Super Typhoon Uwan sa Hilagang Luzon. Nauna nang naglabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang foreign travel ng mga lokal na opisyal upang manatili sa kanilang nasasakupan sa panahon ng kalamidad.

Bukod dito, matatandaan rin ang insidente noong Nobyembre 2024 nang anim na bagyo ang tumama sa Isabela habang nasa Switzerland si Albano para bumili ng rice fortification machine. Ayon sa kanya, muntik na siyang masuspinde dahil sa naturang biyahe.

Sa kabila ng mga kontrobersya, iginiit ni Albano na ang appointment ng kanyang asawa ay nakatulong, hindi lamang sa Isabela, kundi sa buong Cagayan Valley. 

“Maybe he saw that this region is pitiful. JICA needs to focus on this region because 42 percent of rice in Metro Manila comes from Cagayan Valley,” aniya. 

(Marahil nakita niyang kaawa-awa ang rehiyon. Kailangan ng JICA na mag-focus dito dahil 42 porsyento ng bigas sa Metro Manila ay mula sa Cagayan Valley.)

Dagdag pa niya, sapat ang ani ng rehiyon kaya pansamantalang natigil ang pag-angkat ng bigas. 

“For the past two months and until December, we haven’t been importing rice because supply is stable in our province,” wika niya. 

(Sa nakalipas na dalawang buwan at hanggang Disyembre, hindi kami nag-aangkat ng bigas dahil matatag ang supply sa aming probinsya.)

Sa mga darating na araw, nakatakda ring bumiyahe si Albano patungong Japan para dumalo sa seminar tungkol sa paghahanda sa tsunami, na isang imbitasyon mula sa pamahalaan ng Japan. 

Samantala, tiniyak naman ng DILG na iimbestigahan ang mga lokal na opisyal na nasa ibang bansa habang nananalasa ang Typhoon Tino at Super Typhoon Uwan.



(Larawan: Philippine Embassy in Tokyo)