Diskurso PH
Translate the website into your language:

Di talaga safe: ₱360M dinala sa Diamond Hotel para kay Jinggoy

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-14 11:06:42 Di talaga safe: ₱360M dinala sa Diamond Hotel para kay Jinggoy

MANILA — Isinapubliko ni dating DPWH undersecretary Roberto R. Bernardo ang umano’y sunod-sunod na paghahatid ng pera para kay Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, kabilang ang mga proyektong umabot sa lampas ₱1 bilyon, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Bernardo, matagal na niyang kilala ang senador at naging malapit sila sa social circles. Sinabi niya, “I have known Sen. Jinggoy Ejercito Estrada through the social circles of Sen. Bong Revilla… We developed a close relationship,” at inalala rin niyang sinuportahan siya noon ng senador sa mga posisyong nais niyang pasukin.

Inilahad ni Bernardo na noong 2023, hiningi umano ng kampo ni Estrada ang ₱500 milyon na proyekto sa DPWH, at inaprobahan ni Secretary Manny Bonoan ang ₱50 milyon na initial allocation na may 18% commitment para sa senador.

Mas lumaki pa ang usapan nang tumawag umano si Estrada noong third quarter ng 2024 upang humiling ng ₱1 bilyon para sa kampanya. Ayon kay Bernardo, “Sen. Jingoy said, ‘Tulungan mo na lang ako dyan kasi marami pa akong tutulungan sa eleksyon.’” Sinabi niyang tinanong niya ang senador kung ayos ang 25%, at tugon daw nito, “Okay na ang 25%.”

Pagkatapos nito, sinabi ni Bernardo na ipinaghanda niya si Estrada ng listahan ng proyekto sa tulong nina Engr. Gerard Opulencia at Secretary Bonoan. Lumabas umano sa NEP at kalaunan sa 2025 GAA-SGAP ang mga proyektong nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.45 bilyon.

Pinakamabigat sa alegasyon ang pagdideliver umano ng 25% kickback, na ayon kay Bernardo ay umabot sa ₱360 milyon. Aniya, “Engineer Opulencia collected the 25% commitment… delivered the same to Diamond Hotel,” bago ito ipinadala ng driver ni Bernardo sa Archaga Building sa San Juan City. Idinagdag niya na, “Sen. Jingoy personally confirmed to me his receipt of the commitment and thanked me for the same.”

Noong 2025, humiling muli umano si Estrada na makuha ang 25% ng bagong listahan ng proyekto mula kay Engr. Alcantara. Ayon kay Bernardo, “Engineer Alcantara then delivered to me the 25% commitment, approximately ₱213 million, which I delivered to Sen. Jinggoy at the Archaga building.”

Hanggang ngayon, wala pang tugon si Sen. Estrada sa mabibigat na alegasyong nag-uugnay sa kanya sa umano’y kickback operations na kasama sa malawakang flood control corruption scheme.

Patuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee upang tukuyin ang lawak ng katiwalian sa pondo ng imprastraktura at flood control.